Ang Sumpa sa Masantol
I. Ang Barrio Masantol
Sa barrio Masantol ang ulan ay isang biyaya. Minsan sa
isang taon kung dumating ang biyayang iyon, at sa loob lamang ng dalawa o tatlong
araw. Walang malinaw na paliwanag, maging ang mga dalubhasa, sa kamangha-manghang
kaganapang ito sa Masantol. Bagama’t may kuwento akong nauulingan tungkol sa
isang sumpa na ipinataw umano sa aking kinalakihang barrio. Ang sumpa ay
naganap mahigit isang siglo na ang nakakaraan. Ayon sa aking ama, pag-ibig ang
dahilan ng masaklap na kinahantungan ng aming munting barrio. Datapuwa’t hindi
niya magawang isiwalat ang ibang detalye ng kuwento, ay may pahiwatig siyang napakaterible
nito; kaya sa huli ay nakuntento na lamang ako sa kung ano ang aking narinig.
Sa aming barrio ay
simple ang buhay at dahop sa kabuhayan ang mga tao. Bagama’t malawak ang mga
bukirin ay walang nagtatanim dahil sa walang hanggang tagtuyot. Magkakilala ang
bawat pamilya dito at karamihan sa kanila ay naghihikahos sa buhay. Ang tanging
pamoso sa ‘di masukat na yaman ay ang pamilya Altamirano, kung saan ako nabibilang.
May kuwento ang bawat pamilya dito, misteryoso kagaya ng aming barrio. At hindi
ko batid na magsisimulang malahad ang misteryong iyon isang gabi ng Abril kung
saan kalagitnaan ang tag-init.
“Tulong!!! Tulungan n’yo
ako!!!”
Pawisan at humihingal
akong napabalikwas ng bangon. Kasunod noon ay biglang bumukas ang pinto ng
aking silid at iniluwa nito ang aking ama, sa likuran niya ang aming kawaksi. Mababanaag
sa kanilang mukha ang labis na pagkabahala.
“Lucas, anong nangyari?”
tanong ni ama nang makalapit sa akin.
“S-unog. N-asusunog ang
bahay!” bulalas kong takot na takot.
“Huminahon ka. Walang
sunog. Ika’y nananaginip lang,” kalmanteng sagot ni ama.
Bumagal ang aking
paghinga at ako’y lumingon sa loob ng silid. Tahimik ang kapaligiran. Madilim
sa loob at maging sa labas. Bukas ang durungawan at ang liwanag mula sa buwan
ang tanging tanglaw sa pagitan namin ni ama.
“W-alang sunog?” halos
pabulong kong sambit.
“Wala,” ulit ni ama at saka
napailing. “Muntik na akong atakihin sa puso . . . akala ko’y napa’no ka na.”
“Paumanhin . . . naabala ko tuloy ang inyong pagtulog,” hindi
ko lubos maisip na nabulahaw ko ang buong kabahayan sa lakas ng aking hiyaw.
Tumango lamang ang kawaksi na noon ay tahimik na nakamasid
sa akin.
“Matulog ka na,” wika ni ama pagkatapos masigurong panatag
na ako. Tinungo niya ang pinto kasunod ang kawaksi. “Magdasal ka bago mahiga
upang huwag kang bangungutin,” bilin niya bago ipinid ang pinto.
Paglabas nila ng silid ay hindi ako nahiga, bagkus ay
tumayo ako at lumapit sa may durungawan. Tumingala ako at pinagmasdan ang
kalangitan. Napakaliwanag ng buwan gayundin ng mga bilyong tala na nagkalat sa
kalawakan.
‘Kaya marahil maliwanag ang gabi ngayon,’ bulong ko.
Pinagmasdan ko ang malawak na lupain sa aking harapan. Ang
lupa at bahay na ito ay pag-aari ng aming pamilya mula pa sa aking kanunununuan.
Ilang Altamirano na ang nanahan dito at sila ang nagpalago ng aming kayamanan
na hanggang ngayon ay hindi maawat sa pagyabong. Nakakalungkot nga lamang dahil
laganap ang mga dukha sa Masantol. Nguni’t sa kabila nito ay nagagalak akong
hindi maramot ang aking ama, dahil ibinabahagi niya sa buong Masantol ang ipinagkakaloob
na biyaya sa amin. Ang katotohanan ay pamilya namin ang nagpatayo ng simbahan
at paaralang elementarya sa bayan; maging ang lupang kinatitirikan ng pamilihang
bayan sa may poblacion ay kaloob ng aking pamilya.
Sa pagbaba ng aking tingin ay napansin ko ang isang anino na
gumagala sa aming bakuran. Kinabahan at kinilabutan ako lalo pa’t bigla rin
umalulong ang mga aso sa paligid. Mabilis akong nagkubli at sinipat ang anino. Nguni’t
sukat bigla na lang iyon nawala sa aking paningin. Kumurap ako at saka kinusot
ang talukap ng aking mga mata. Diyata’t namamalik-mata lamang ako. Katakatakang
kabod din tumigil ang mga alulong na kanina lamang ay sigurado akong narinig ko.
Nagpasya akong ipinid ang durungawan at bumalik sa aking higaan.
Hindi ko nalimot mag-antanda bago ilatag ang katawan sa malambot na kutson,
puno ng pag-asang sa pagkakataong ito ay magiging matiwasay ang aking pagtulog.
Marangya ang almusal ng umagang iyon dahilan para manibago
ako. Tahimik si ama habang kami’y kumakain, na kakatwa rin para sa akin. At
hindi miminsan na nahuli ko siyang sumusulyap sa akin. Kibit-balikat akong
nagpatuloy sa pagkain hanggang sa wakas ay basagin niya ang katahimikan.
“Anong plano
mong gawin ngayon araw?” tanong niya akin.
Kunot-noo akong tumingin sa kanya. Wala na akong pasok sa eskuwela,
katunayan ay tatlong araw pa lang ang nagdaan mula nang magtapos ako sa mataas
na paaralan. Pero bakit iyon biglang naitanong ni ama?
“Nais kong dumito lang muna sa bahay. Bagama’t samakalawa
ay may usapan kami ng aking mga kaibigan na magtungo sa ilog sa kabilang barrio,”
simpleng sagot ko.
“Bakit hindi mo anyayahan ngayon dito sa bahay ang iyong
mga kaibigan?”
“Ama, walang dahilan para imbitahan ko sila. Isa pa,
ayokong maabala kayo--”
“Ay! Tunay ngang nakalimutan mo na.”
“A-ng alin?” tanong kong naguguluhan.
“Ngayon ay iyong ikalabimpitong kaarawan!” palatak niya.
Natigilan ako. Ngayon nga pala ay asingko ng Abril at
nataon pa na Huwebes Santo. Paano ko ba iyon nagawang nakalimutan? Marahil dahil
tila lango pa rin ako mula sa kakulangan ng tulog kagabi. Paano kasi ay muli
akong dinalaw ng panaginip na iyon: Nakita kong nagliliyab ang isang malaking bahay
sa gitna ng parang. Nasa loob ng nagni-ningas na bahay ang isang lalaki. Sa
labas naman ay naroon ang isang babae, sumisigaw at humihingi ng tulong. Nguni’t walang ginawa
ang mga tao na naroon at nakapalibot sa babae. Nakatulos lamang ang mga ito sa
pagkakatayo at hindi man lang sinaklolohan ang lalaki. Puno ng hinagpis, paluhod
na bumagsak sa lupa ang babae, tumingala sa langit at saka sumigaw. Pagkatapos
niyon ay biglang kumulog at kumidlat ng sakdal-lakas . . .
“Lucas Victor!”
“B-Bakit? Ano iyon?” nagulantang kong baling kay ama.
“Ano bang nangyayari sa iyo? Tila ba wala ka sa iyong
sarili.”
“P-aumanhin, k-asi’y . . .” natigilan ako at sumulyap sa kawaksi
na nagsisilbi sa amin. Sinasalinan niya ng tubig ang baso sa aking tabi.
“Salamat,” wika ko at muling bumaling kay ama. Parang
balisa siya na hindi mawari. “Anong problema? May nais ba kayong sabihin sa
akin?”
“Bueno,” simula niya, “dahil sa kaarawan mo ngayon ay
gusto kong ibigay sa’yo ito,” inilabas niya at saka iniabot sa akin ang isang
maliit na kahon.
Kinuha ko iyon ng may pag-aalinlangan. “Ano ba ito?”
tanong ko at pinagmasdan ang kahon sa aking palad.
“Bakit hindi mo buksan?”
Kibit-balikat kong iniangat ang takip ng kahon. Bumulaga
sa akin ang isang antigong singsing. Kinuha ko iyon at pinagmasdan mabuti.
Ito’y yari sa pilak, may malaking letrang V at A sa gitna at napapalibutan ng
maliliit at makikinang na hiyas.
“Pag-aari pa iyan ng iyong Lolo Victor, ang orihinal na Victor
ng ating angkan. Nagpasalin-salin ‘yan sa bawat henerasyon ng mga lalaking
Altamirano. Nakaugalian na ng pamilya na ipasa iyan sa susunod na tagapagmana
pagtunton niya ng edad disesiyete.”
Tumango lamang ako at hindi nagpakita ng interes. Malungkot
kong ibinalik sa lalagyan ang singsing. Inilapag ko iyon sa mesa at pagkatapos
ay bumaling kay ama. “Gusto ko sana
kayong makausap hinggil sa isang bagay,” simula ko, “sa pasukan ay sa kabisera
ko nais mag-aral ng kolehiyo.” Kagyat kong hinanda ang aking sarili sa kanyang
magiging reaksiyon.
“Anong kalokohan ito? Hindi ba’t noon pa natin
napagkasunduan na sa bayan ka mag-aaral pagtungtong mo ng kolehiyo?”
“Alam ko,” pinilit kong kalmahin ang aking sarili, “pero
napag-isip-isip ko--”
“Hindi maari ang ibig mo,” mariing wika ni ama, “walang
umaalis sa ating angkan sa bayang ito. Sa bayan ka mag-aaral at hindi ka aalis
sa Masantol!”
“Nguni’t wala akong kinabukasan sa lugar na ito. Pagmasdan
n’yo ang buong barrio. Mahirap ang mga tao at walang kabuhayan. Noon pa man ay
nangako na ako sa aking sarili na hindi ako mananatili dito habang buhay. Nasa
lungsod ang--”
“Hindi mo matatakasan ang iyong tadhana. Dito ka lumaki at
dito ka mamamatay gaya
ng mga Victor na sumunod sa iyo.”
“Ama, pakiusap itigil ninyo ang pagsasabi ng ganyan. Sa
ayaw at sa gusto ninyo ay aalis ako dito!” tumayo ako at iniwan siya sa hapag.
“Lucas Victor, bumalik ka dito! Hindi mo maaring gawin ito
sa ating angkan!”
Hindi ko siya pinansin at tuloy-tuloy akong lumakad palabas
ng bahay.
II. Ang Sumpa
Maliit at masukal ang lumang libingan sa barrio Masantol. Kaunti
lamang ang nakahimlay dito at madalang kung may magawi upang bumisita sa mga
puntod. Marami kasi ang umiiwas at takot sa lugar na ito. Naniniwala silang
maraming mga espiritu ang gumagala dito; mga espiritu ng mga pumanaw na
nakalibing dito. Napailing ako. Kahit kailan talaga ay hindi nauubusan ng
makalumang paniniwala ang aking mga kabarrio. Minsan tuloy ay naiisip kong isa
ito sa mga hadlang kaya’t hindi umaasenso ang aming lugal.
Hindi ko alintana ang mainit na sikat ng araw at tahimik
na tinahak ang daan patungo sa loob ng libingan. Nakagawian ko nang magtungo
rito tuwing sasapit ang aking kaarawan. Nguni’t ngayon ay may iba pa akong pakay.
Pilit kong iwinaksi sa aking isip ang naganap sa pagitan namin ni ama.
Hindi naglaon ay sinapit ko ang isang luma at maringal na
mauseleo na siyang himlayan ng mga pumanaw na Altamirano. Binuksan ko ang
nangangalawang na tarangkahan at pumasok sa loob. Hindi ko inaasahan na makitang
masinop ang loob ng mauseleo. Nagulat din ako ng mapansing may mga tuyong bungkos
ng bulaklak sa nitso ng orihinal na Victor. Kakatwa, naisip ko. Sino ang
maaring naglagay doon? Bukod sa amin ng aking ama ay wala na kaming nabubuhay
na kaanak.
Nag-alay ako ng taimtim na panalangin sa aking mga yumaong
nuno pagkatapos ay nagpasya akong lumisan na. Nguni’t sa aking paglabas ay agad
akong napatda.
Isang babae na may hawak na mga bulaklak ang nakatayo sa labas
ng musoleo. Kapwa kami natigilan at sinuri ang bawat isa. Sa aking estima ay matanda
lang siya halos ng ilang taon sa akin. Hindi ko maiwasang humanga sa angkin
niyang kasimplehan at ganda.
“V-ictor?” bulalas niya pagkaraan makabawi sa pagkabigla.
“Paumanhin . . . kilala ko ba kayo binibini?”
Nguni’t sa halip na sumagot at sa labis kong pagkagulat ay
bigla niya akong dinamba at niyapos.
“T-eka binibini. San--” hindi ko siya maawat at halos
kapusin ako ng hininga sa higpit ng kanyang pagkakaligkis sa akin.
Bumitiw siya pagkalipas ng ilang sandali at pinagmasdan
akong maige. “Ikaw nga ba talaga ‘yan Victor?” masayang bulalas niya habang
hinahaplos ang aking mukha.
Humugot ako ng isang malalim na hininga, “Binibini, hindi
ko alam kung sino ang iyong tinutukoy. Maaring ang aking Lolo Victor dahil ayon
kay ama ay malaki ang aming pagkakahawig--”
“H-indi ikaw si Victor Altamirano?” puno ng pagkadismayang
bulalas niya.
“Ang ngalan ko’y Lucas Victor Altamirano, bugtong na anak
ni Zandro Altamirano. Kapatid ng aking
lolo sa tuhod si Victor Altamirano.”
Nabitawan niya ang hawak na mga bulaklak at saka
napaurong. Kung dahil sa pagkapahiya sa kanyang ginawi ay hindi ko matiyak.
“I-sa kang A-ltamirano kung ganoon?” tanong niya sa akin
na may halong pagkalito at pagkamangha.
Tumango ako at pinagmasdan siyang mabuti. “Maari ko bang
malaman kung sino ka?” Hindi ko maipaliwanag ang biglang pagsikdo ng aking
dibdib habang nakatingin sa kanya.
“A-ko si Esperanza . . . a-ng ibig kong sabihin ay apo ako
ni Esperanza. A-po sa tuhod ni Esperansa Monson. Ang pangalan ko’y M-ag . . . mag
. . . nolia.”
Napakunut-noo ako. Ang mga Monson ay isa sa mga luma at misteryosong
pamilya sa Masantol. Noon ko pa napupuna ang pag-iwas ng mga tao sa barrio na
pag-usapan ang anumang may kaugnayan sa kanila. Maging si ama ay tikom ang
bibig sa tuwing tatanungin ko tungkol sa mga Monson.
“Hindi ko alam na may nabubuhay pang miyembro ng inyong
pamilya,” wika ko kay Magnolia.
“U-malis sa Masantol ang aking Lola Esperanza noon at pumirme
sa ibang bayan. Doon na rin siya nakapag-asawa.
At sa loob ng mahabang panahon ay hindi na siya muling nagawi dito sa Masantol.”
“Anong ginagawa mo dito kung ganoon?” tanong kong puno ng
interes.
“Pag-aari namin ang bahay sa gitna ng parang. Ipinatayo
iyon ng aking Lola Esperanza bago siya lumisan sa Masantol. Pansamantala akong
mamamalagi doon para magbakasyon.”
“At bakit narito ka ngayon? Sa’yo ba galing ang mga
bulaklak--”
“P-paumanhin, pero kailangan ko nang umalis.”
“Teka--”
Mabilis siyang tumakbo palayo at bago ako makakilos ay naglaho
na siya sa aking paningin. Nakadama ako ng panlulumo. At sa aking pagyukod ay
nakita ko ang mga nagkalat na bulaklak sa lupa.
Marahan kong pinulot ang mga iyon.
“Senorito, umalis ang inyong ama. May aasikasihin daw
siyang mahalagang bagay sa kabilang bayan. Sa makalawa pa daw ang balik niya .
. .” salubong sa akin ng kawaksi na bahagya pang natigilan ng makita ang hawak
ko, “i-nihabilin din niyang ibigay ko ito sa iyo.”
Isang kalatas ang hawak niya at iniabot iyon sa akin.
Balewalang kinuha ko iyon at saka na ako umakyat sa aking
silid. Ano ngayon ang binabalak ni ama? bulong ko. Ang kanyang paglisan matapos
ang aming munting alitan ay nagpapatunay na masama ang loob niya.
Bahagya akong nakadama ng pagsisisi dahil tunay na wala
akong intensiyon na saktan ang kanyang kalooban.
Pagpasok sa aking silid ay inilagay ko sa plorera ang mga
bulaklak. Buong paghangang pinagmasdan ko ang mga iyon. At habang sinisinghap
ko ang kanilang halimuyak ay biglang pumasok sa aking alaala ang mukha ni
Magnolia. Nahihiwagaan pa rin ako sa kanyang ikinilos sa libingan bagama’t hindi
ko maitangging may kakatwa akong nararamdaman para sa kanya.
Dagli kong ipinilig ang aking ulo. Saka ko naalala ang
kalatas. Naisip akong itabi na lang muna iyon, subalit sa huling sandali ay nagbago
ang aking isip at nagpasya akong basahin ito. Lumapit at naupo ako sa kama . Sumandal ako at saka binuklat ang papel.
Minamahal kong anak,
Maaring para sa iyo’y mapalad ang ating angkan dahil sa ating taglay na
yaman, nguni’t nais kong ipabatid sa iyo na may kapalit ang biyayang iyon. Ang
sumpa sa Masantol ay ‘di kathang isip lang, totoo ito gaya ng katotohanang bahagi ka at ang ating buong
angkan upang mangyari ang bagay na iyon.
Umibig sa isang maling dilag ang iyong Lolo Victor noon. Isang binibini
mula sa angkan ng mga manggagaway. Wagas man ang kanilang pag-iibigan ay hindi
iyon inayunan ng langit maging ng buong barrio. At sa huli, ang pag-ibig na
iyon ang naging dahilan ng kanyang kamatayan. Nguni’t kung inaakala mong doon
na natapos ang lahat ay nagkakamali ka, dahil isang sumpa ang binigkas ng dilag
na iyon. At ang sumpang iyon ang kumastigo sa barriong ito at nagbuhos ng
biyaya sa ating angkan.
Hindi ko batid kung kailan matatapos ang sumpang iyon, pero nais kong
malaman mong habang nanaisin mong manatili sa Masantol ika’y ligtas laban sa
sumpang iyon. Dahil sa sandaling lumisan ka sa barriong ito ay haharapin mo ang
iyong maagang katapusan. Iyon ang
mahikang ipinataw sa bawat lalaking Altamirano.
Hindi ko ikinukumpisal ang mga bagay na ito upang pigilan ka sa iyong
balak na paglisan, bagkus ay nais kong pag-isipan mong mabuti ang iyong
gagawing pagpapasiya. Binibigyan kita ng panahon at pagkakataon na tuklasin ang
lihim na ito ng ating pamilya. Sana ay magtagumpay ka sa kabila ng kabiguan ko
at ng iba pang nauna sa akin. Nawa’y pagpalain ka ng Poong Maykapal sa iyong adhikain.
Babalik ako sa takdang panahon. Mag-ingat ka sana palagi.
Ang iyong ama
Tulala akong inilapag
ang papel sa kama .
Anong sumpa ang tinutukoy ni ama? At paano nagkaroon ng kaugnayan
ang aming pamilya dito? Totoo kaya ang sumpa sa Masantol na nauulingan ko noon
pa man? Napailing ako. Subalit imposible ang ganoong mga bagay! Hindi ako
maaring maniwala sa ganitong kabalbalan. Kung ito ay pakana ni ama para ako’y
pigilan ay mabibigo siya.
Hinablot ko ang papel sa
kama , galit ko itong nilamukos at saka ibinato
iyon sa sahig. Tatayo sana ako pagkatapos nguni’t
agad akong natigilan ng mahagip ng aking tingin ang maliit na kahon na
nakapatong sa kama . Hindi ko iyon napansin
kanina.
Nayayamot ko iyong dinampot,
itatapon ko din sana
ito nguni’t para bang may pumigil sa akin. Nakita ko na lang ang aking sarili na
binubuksan ang kahon, pagkatapos ay kinuha ko ang singsing na nasa loob nito at
saka isinuot sa aking daliri. Napabuntung-hininga ako habang pinagmamasdan iyon
sa aking kamay. Kataka-takang tama lamang ang sukat nito sa akin.
“Aalis ako sa barriong
ito kahit anong mangyari,” walang gatol kong sambit. Tumayo ako at tinangkang
tanggalin ang singsing. Nguni’t ayaw iyon maalis sa aking daliri. Lalong
sumidhi ang nadarama kong galit kay ama. Padabog akong humakbang patungo sa
pinto. Subalit pagkaraan ng ilang hakbang ay biglang kumirot ang aking ulo. Natigilan
ako at napasigaw. Sa tindi ng sakit ay hindi ko napigilang bumagsak sa sahig. Naulingan
ko pa ang matuling yabag ng aming kawaksi bago ako tuluyang panawan ng ulirat.
III. Ang Sakripisyo
Sa kalagitnaan ng gabi ay bigla na lamang akong sumulpot
sa bahay ng mga Monson. Hindi ako tumugot sa pagtuktok sa pinto hanggang sa
walang tumugon. Isinisigaw ko ang pangalan ni Esperanza habang kinakalampag ang
pinto. Tumigil lamang ako ng bumukas ang pinto at makita ang mukha ni Esperanza.
Mabilis ko siyang sinugod ng yakap at halik. Hindi maitago ang nadarama kong
pananabik.
“Mukhang pagod ka,” wika ni Esperanza ng kumalas sa akin.
“Mabuti pa’y magpahinga ka muna, ” at inakay niya ako papasok sa bahay. Sumunod
ako sa kanya hanggang sa humantong kami sa loob ng isang silid. Iginiya niya
ako palapit sa kamang naroon.
Nahiga ako sa kama habang
naupo siya sa aking tabi at banayad na hinaplos ang aking buhok at mukha.
Kumurap ako pinagmasdan ang kanyang maamong mukha. Nasamyo ko ang amoy ng
kanyang mahaba at kulay uling na buhok at ako’y napangiti. Ilang saglit pa ay nagsimulang
bumigat ang talukap ng aking mga mata.
“Matulog ka na, mahal ko,”
bulong niya sa aking tainga.
Mistulang batang paslit
akong tumango. Isang himig ang lumabas sa kanyang bibig. Malamyos ang musika at
nakakahalina. Marahan akong pumikit at unti-unting naglaho ang aking katinuan,
dinala ako sa isang malalim na kawalan.
Mainit ang aking
pakiramdam. Sa simula, akala ko’y maalinsangan talaga ang panahon dulot ng
tag-init, nguni’t tumindi ang init na sinundan ng walang kaparis na hapdi.
Anong nangyayari?
Pagdilat ng aking mga mata ay nalaman ko ang kasagutan.
Ang init na aking nararamdaman ay dahil sa literal na nag-aapoy ang aking
balat. Nagimbal ako ng matantong unti-unting nilalamon ng apoy ang aking buong
katawan. Sumigaw ako para sa aking buhay.
“Tulong!!! Tulungan n’yo ako!”
Naramdaman kong may
humaplos sa aking pisngi. Dumilat ako at nagulantang nang masilayan ang mukha
ng isang babae sa aking harapan.
“Sino ka?” mabilis akong
bumangon at lumayo sa kanya. “T-eka hindi ba ikaw ang nakita ko sa libingan?
M-agnolia?”
Natigilan siya at hindi
makasagot. Lumingon ako sa paligid. Napatda ako ng matantong wala ako sa aking
silid. “Nasaan ako? Bakit ako narito?”
Tumayo si Magnolia at
lumapit sa saradong bintana. Binuksan niya iyon.
“Dumating ka dito kagabi
na tuliro at wala sa sarili. Wala akong ideya kung anong nangyari sa iyo.
Malalim na ang gabi kaya naisip kong dito ka na lang muna patulugin.”
Tumingin ako sa kanya
puno ng pagkamangha, pagtataka, at pagkabahala. Ano bang nangyari sa akin?
Bakit wala akong matandaan? At bakit ako nagtungo sa bahay ng mga Monson?
“Paumanhin subalit wala talaga
akong matandaan sa mga nangyari,” sambit ko sa kanya, “hindi ko rin alam kung
paano ako nakarating dito.”
“W-ala kang naaalala na kahit
ano?”
Marahan akong nag-isip. Sunog.
Iyon ang paulit-ulit na gumugulo sa aking isip. Maging sa panaginip ay ayaw
akong tantanan ng tagpong iyon. Isang malaking sunog na hindi ko alam kung
anong ibig ipahiwatig.
Umiling ako. Ayokong isipin niya na ako’y nasisiraan na ng
bait. “W-ala,” sagot ko at mabilis na tumindig. “Kailangan ko nang umalis. Paumanhin
sa abala.”
Nagmamadali akong lumabas
ng silid at ng bahay ng mga Monson. Hindi ako makapaniwala na nangahas akong
gambalahin si Magnolia. Nawawala na ba ako sa tamang katinuan? Sunud-sunod ang
ginawa kong pagtapik sa aking noo na para bang mapapanumbalik nito ang aking huwisyo.
Nagmamadali kong
binagtas ang daan patungo sa aming mansiyon. Habang naglalakad ay pilit kong
binalikan ang mga pangyayari noong nakaraang araw nguni’t wala pa rin akong
maalala. Pakiwari ko’y may kakaibang nangyayari sa akin. Pero kailan nga ba
iyon nagsimula?
Natigilan ako ng mapansin ang singsing sa aking daliri at
saka nagbalik ang aking alaala. Kinabahan ako na ‘di mawari. Pinagmasdan ko ang
singsing at saka marahan hinugot iyon upang tanggalin. Nguni’t muli ay hindi ako
nagtagumpay.
Sinalubong ako ng aming kawaksi
sa pinto. Nag-aalala ang kanyang mukha gaya
ng aking inaasahan. “Hay! Senorito saan ba kayo galing? Nahilo na ako sa
kahahanap sa inyo sa buong kabahayan,” humahangos na wika niya.
Hindi ko siya pinansin.
Hindi ko rin naman alam kung paano ipaliliwanag sa kanya kung paano ako
napadpad sa bahay ng mga Monson, bukod pa sa okupado ang aking isip ng singsing
na bigay ni ama sa akin. “Si ama dumating na ba?” sa halip ay tanong ko sa
kanya.
“Hindi pa Senorito. Pero
saan ba kayo--”
“Maari ba tumahimik ka!”
naiiritang sigaw ko sa kanya. “May gagawin ako sa taas at huwag mo akong aabalahin,
naiintindihan mo?”
Tumango siya at
napatakip sa kanyang bibig. Ito ang unang pagkakataon na nagawa ko iyon sa
kanya. Hindi ako magtataka kung isuplong niya ako sa aking ama.
Mabilis akong umakyat
nguni’t hindi ako nagtungo sa aking silid. Tinungo ko sa halip ang silid ng
aking ama. Gaya
ng aking inaasahan ay naka-kandado iyon. Hindi ako nagdalawang-isip na wasakin
ang pinto. Dagli akong pumasok sa loob at naghalungkat. Saka ko nakita ang
isang maliit na baul na nakatago sa ilalim ng kama
ni ama.
Binuksan ko iyon at tumambad sa akin ang napakaraming mga
larawan.
Nanginginig ang aking
mga kamay habang pinapasadaan ng tingin bawat isa sa mga larawan sa baul, na
karamihan ay mga luma na. Naparalisa ako ng masilayan ang isa sa mga iyon.
Pamilyar sa akin ang mukha ng dalawang tao sa larawan; maaring malabo na iyon nguni’t
tiyak ko kung sino ang mga iyon. Ako ang nasa larawan kasama si Magnolia.
Bitbit ang larawang iyon
ay lumabas ako ng silid. Pagbaba ay nakita kong nasa isang sulok ang kawaksi at
nakamasid sa akin, bakas sa kanyang mukha ang takot at pagkabahala. Tinapunan
ko siya ng matalim na titig at saka walang paalam na lumabas ng bahay. Tinahak ko
ang bahay ng mga Monson, batid kong naroon ang sagot sa aking napakaraming katanungan.
Habang palapit sa bahay
ng mga Monson ay hindi ko naiwasang pagmasdan iyon. Ang bahay ay moderno at
maliit kumpara sa aming mansiyon. Nakatayo ito sa gitna ng parang at mukhang
abandonado. Hindi mo iisipin na mayroong nakatira doon. Kumurap ako. Mukhang
pamilyar ang kapaligiran sa akin, bagama’t hindi pa ako kailanman nagawi dito. Walang
taga-Masantol ang nangangahas magtungo sa lugar na ito. Hindi ko alam kung
anong dahilan. Marahil, isa rin ito sa napakaraming misteryoso sa Masantol.
Nakabukas ang pinto ng sapitin
ko ang bahay ng mga Monson. Agad akong nagtungo sa pamilyar na silid. Naroon si
Magnolia, naka-upo sa harap ng tokador at hinahaplos ng isang palad ang kanyang
pisngi.
“Lucas!” napabalikwas
siya ng bumungad ako sa pinto. “I-sa itong sorpresa. Hindi ko inaasahan na muli
kang babalik.” Hindi maitago ang kanyang pagkabigla.
Lumapit ako sa kanya at
agad ipinakita ang mga dala kong larawan, “Sino ka bang talaga Magnolia?”
“Sino ka? At bakit mo
kamukha si Esperanza Monson? Sumagot ka!”
Ibinaba biya ang hawak
na larawan at tumalikod sa akin, “Hindi totoo na apo ako ni Esperanza Monson. .
.”
“Nagsinungaling ka--”
“Hindi . . .” humarap
siya sa akin, “hindi ako nagsinungaling sa iyo Lucas. Hindi totoo na apo ako ni
Esperanza gaya
ng aking sinambit, dahil ang katotohanan ay ako mismo si E-speranza Monson.”
“A-no?”
“Maniniwala ka ba kung
sasabihin ko sa iyong ako’y isandaan at limang taong gulang na?”
Napailing ako, “P-aano
iyon naging posible? A-ko ba’y iyong pinaglalaruan?”
At isiniwalat niya ang
naganap taong labinsiyam dalawampu’t pito.
Natuklasan ng taong
bayan na isang manggagaway ang ina ni Esperanza. Sinunog ang kanilang bahay
habang nasa loob ang buong pamilya. Nagkataon naman na dumating si Victor Altamirano
at nagawa niyang iligtas si Esperanza palabas ng bahay. Nguni’t nang balikan
niya ang magulang at kapatid ni Esperanza ay malaki na ang apoy at hindi na
sila makalabas pa ng bahay. Humingi ng saklolo si Esperanza sa mga taong nagsidating
ng mga sandaling iyon nguni’t wala ni isa ang tumulong sa kanya. Sa labis na
pighati at galit ay umusal siya ng isang sumpa. Isinumpa niya ang mga taong naroon
-- na siyang pumatay sa kanyang mga mahal sa buhay -- sila ay dadanas ng hirap
at mamamatay sa gutom sampu ng kanilang mga anak at apo. Pagkatapos maabo ang
bahay ng mga Mason ay natagpuan ni Esperanza ang bangkay ng pamilya at ni
Victor. Kinuha niya ang singsing ni Victor at umusal ng isang itim na mahika. Tinangka
niyang buhayin muli si Victor subalit nabigo siya, at lingid sa kanyang
kaalaman ay nagkaroon ng konsekwensiya ang kanyang ginawa. Sa paglipas ng
panahon ay nagkatotoo nga ang sumpa sa Masantol. Naghirap ang mga tao dahil sa
biglang pagkawala ng ulan. Maraming namatay sa loob ng unang sampung taon
karamihan ay galing sa angkan ng mga sumunog sa bahay nina Esperanza. Sa takot
ng ilan ay lumisan sila sa Masantol. At ang barrio ay nalugmok sa kahirapan
simula noon.
“Kalaunan, natuklasan kong
hindi nabigo ang ginawa kong mahika kay Victor, kaya lamang, sa halip na siya
ang bigyan ng ikalawang buhay ay ako ang pinagkalooban ng walang hanggang
kabataan. Naging imortal ako. Marahil iyon ang naging kaparusahan sa aking kalupitan
sa mga taga-Masantol at sa kapangahasan na baguhin ang kapalarang itinakda ni
Bathala. Huli na nang matanto ko ang aking pagkakamali.
“Hindi ko rin inakalang parurusahan maging ang inyong
angkan. Maaring biniyayaan kayo ng karangyaan nguni’t buhay ang naging sukli
noon. Dahil bawat lalaking Altamirano na lumilisan sa bayang ito ay namamatay. At
ang kanilang kamatayan ay kaparis ng sinapit ng aking si Victor. Sunog -- iyon
ang sanhi ng kanilang naging malagim na katapusan. Puno ako ng pagsisisi at sa
loob ng mahigit walong dekada ay nabuhay akong mag-isa at miserable, nagtatago at
palipat-lipat ng bayan upang hindi mabisto ang aking pagkatao. Nabuhay akong
dala-dala ang sala at parusa ng aking pagkakamali, ” pagpapatuloy na kuwento ni
Esperanza.
“I-kaw ang nagsumpa sa
Masantol at pumatay sa aking mga ninuno?” hindi ko napigilang ibulalas. “I-kaw
ang dahilan sa kahirapan sa b-uong b-arrio . . .”
Tumingin siya sa akin na
may luha sa mata. Marahan siyang humakbang palapit.
“Sana’y mapatawad mo ako,
Lucas. Labis kong pinagsisisihan ang lahat maniwala ka. Kung may magagawa lang sana ako upang maitama ang
lahat ay gagawin ko.”
Napaupo ako sa katabing kama . Napayuko dala ng labis na pagkahapo. Sinapo ko ang
aking ulo at pumikit. Nguni’t agad din akong dumilat ng maalala si ama.
“Si ama, umalis siya at
wala akong ideya kung saan siya naroon ngayon” baling ko kay Esperanza. “Gusto
kong masiguro na ligtas siya. Tulungan mo ako, pakiusap.”
Lumapit siya at naupo sa
aking tabi. “Ikinalulungkot ko, subalit wala akong maitutulong sa iyo. Ang totoo’y
anumang kapangyarihan taglay ko ay naglaho matapos kong gawin ang orasyon sa
singsing--”
“Ang singsing?” bulalas
ko at tinignan ang aking kamay. Naroon pa rin ang singsing ng aking Lolo
Victor. Tinangka ko iyon tanggalin nguni’t gaya ng dati ako ay nabigo. “Bakit ayaw mong
maalis!” hindi napigilang sigaw ko.
“Lucas, huminahon ka,”
wika ni Esperanza.
Pumanatag ako at sinikap
kalmahin ang aking isip. Bukod sa paghahanap kay ama ay kailangan kong gumawa
ng paraan upang tuluyang putulin ang sumpang bumabalot sa aking angkan at sa
buong Masantol. Kailangan kong kumilos bago pa mahuli ang lahat. At bagama’t hindi
ko batid kung paano maisasakatuparan ang lahat ay may pakiwari akong ang
singsing ang susi sa lahat ng misteryo.
“Sumama ka sa akin,” maya-maya
ay wika ko kay Esperanza. Bago siya nakasagot ay mabilis akong tumayo at hinila
siya sa kamay.
“A-nong gagawin mo? L-ucas--”
Hinigpitan ko ang hawak
sa kanya hanggang sa makalabas kami ng bahay. Lumingon ako sa paligid at nabuhayan
ako ng loob nang nakita ang isang awto na nakahimpil sa isang tabi.
“Marunong ka bang
magmaneho?” tanong ko sa kanya.
Alanganin siyang
tumango.
“Mabuti. Tara kung ganoon,”
at hinila ko siya palapit sa sasakyan.
Sumunod si Esperanza ng
walang pagtutol. Sumakay kami sa awto. Pinaandar niya iyon pagkatapos. “A-nong binabalak mo? Saan tayo
pupunta?” baling niya sa akin habang umuusad ang sasakyan palayo sa bakuran ng
mga Monson.
Lumingon ako sa kanya. Walang
takot na mababakas sa kanyang mukha. Napakislot siya ng ipatong ko ang aking
kamay sa kanyang kamay na nasa manibela.
“B-akit?” tanong niya.
“Sa ngalan ng aking mga
nuno ay handa kong kalimutan ang salang iyong ginawa. Nakahanda rin akong
magsakripisyo para sa aking ama gayundin sa barriong ito. Pero ikaw, handa ka
bang kalimutan ang nakaraan at patawarin ang mga nagkasala sa iyong pamilya?
Dahil sa tingin ko’y iyon lang ang paraan para maputol ang sumpa sa Masantol.”
“Victor . . .”
Hindi ko binigyan pansin
ang pagsambit niya sa pangalang iyon, batid kong hindi na iyon mahalaga pa. “Bilang
panimula, bakit hindi tayo umalis sa bayang ito. Isa itong paraan upang
madaling maghilom ang sugat,” noon ay malapit na kami sa hangganan ng Masantol.
Marahan siyang ngumiti
at saka tumango. “Tama ka,” sambit niya, “sapat na ang ilang dekadang pagdurusa, hindi lang ng mga
taga-Masantol kundi maging ng aking sarili,” at saka niya pinasibad ang awto.
Pinisil ko ang mainit at
malambot niyang palad. Pagkatapos ay itinuon ko ang tingin sa landas na aming
tinatahak upang harapin ang aming kapalaran. Hindi ko na namalayan ang pagkislap
ng singsing sa aking daliri, dahil sa puntong iyon ay nakita kong nakatawid na
kami sa kabilang barrio. Kasabay noon ang biglang pagsulpot sa aming harapan ng
isang malaking sasakyan.
Kumurap ako at saka marahan ngumiti.
Bumuhos ang unang patak ng
ulan sa taong iyon sa buwan ng Abril, panahon ng tag-init. Nasisiguro kong
hindi lamang dalawa o tatlong araw ang itatagal nito. Malaya
na ang aming barrio gayundin ang aking pamilya. Sa wakas ay napawi na ang sumpa
sa Masantol.
NOTE: This post is undergoing editing.
Comments
Post a Comment