Ang Bisikleta

            Napupuna ni Omar ang malimit na pagparoon ng kanyang Lolo Carlos sa silid ng kanyang mga magulang. Sa pagkakataong ito, habang naglalaro siya sa may sala, ay nakita niyang patalilis na pumasok sa loob ng silid ang abuelo. Alam niyang naroon sa loob ang kanyang ama dahil kadarating lamang nito mula sa trabaho at marahil ay nagsisiesta. Ang kanyang ina ng mga sandaling iyon ay nasa kusina at naghahanda ng kanilang hapunan, samantalang ang kanyang dalawang nakatatandang kapatid naman ay nasa kanugnog na silid at nag-aaral ng leksiyon.
Hindi niya pansin sa simula ang nagaganap sa loob ng silid hanggang sa marinig niyang magtaas ng boses ang kanyang ama. Dinig niya ang boses nito hanggang sa labas ng silid, at sa kadahilanang iyon kaya nabighani siyang lumapit sa may pinto upang makinig.
            “Itay, kabibigay ko lang sa inyo noong isang linggo, hindi ba?” narinig niyang wika ng kanyang ama.
            Kung hindi lamang niya ito kilala ay iisipin niyang nagagalit na ito sa kanyang Lolo Carlos, pero batid niyang hindi iyon maaatim ng kanyang ama. Dahil hindi man nagmana ng salapi ay nagmana naman ito ng mabuting asal sa kanyang mga nuno. Tanda rin niya ang madalas ipangaral ng ama sa kanilang magkakapatid na ‘bago ka magalit ay mag-isip ka muna ng makasampung ulit.’ Bukod pa dito, isang bukas na aklat din ang tungkol sa karamdaman ng kanyang Lolo Carlos.
Mahigit isang taon na mula ng malaman nilang may karamdaman ito. Ang sakit nito ay wala raw lunas at likas sa mga alog na ang baba. Hindi man niya maarok kung anong uri ng karamdaman iyon ay natitiyak niyang mapanganib iyon. Dahil kung hindi ay bakit labis ang pagiging makakalimutin nito ngayon. Nakakapagtakang hindi na katulad ng dati ang kanyang mahal na abuelo sapagkat hindi lamang ang katawan nito ang humina, kundi pati na rin ang memorya nito.
            At nitong huling mga buwan ay napupuna niyang tila lumalala ang sakit nito. Iyon ang naisip niyang dahilan kung bakit madalas ay marami itong nakakalimutang mga bagay; wala na rin itong matandaan sa mga bakas ng kahapon; at higit sa lahat, maging ang mga pangalan nilang magkakapatid ay nakalimutan na rin nito. At ang masaklap pa doon, ay ang madalas na pagtawag ng abuelo sa kanya ng Mauro, na siyang ngalan ng kanyang ama.
Sa dami ng nakakaligtaan ng kanyang Lolo Carlos, iyon ang dinamdam niya ng husto. At kahit pa sabihing dahil sa sakit nito kaya ganoon, ay hindi pa rin niya maiwasang magtampo sa abuelo. Sa unang banda, hindi siya magiging balat-sibuyas tungkol sa bagay na iyon kung hindi sila tunay na malapit sa isa’t-isa. Ngunit sa kanilang tatlong magkakapatid ay siya ang masasabing pinakapaborito ng kanyang Lolo Carlos. Mahal na mahal siya nito at kahit kailan ay hindi siya pinagalitan at pinagdamutan. Subalit ngayon ay nagdududa na siya kung ganoon pa rin ang pagtingin nito sa kanya, lalo pa’t nitong huli ay hindi na siya nito gaanong pinapansin at madalang na lamang kung pagbigyan ang kanyang mga paglalambing.
            Malungkot siyang nagpatuloy sa pakikinig. Idinikit niya lalo ang kanang pisngi sa pinto, hindi alintana na maari siyang mapagalitan sakaling mabisto ang kanyang kapangahasan.
            “W-ala na ang perang ibinigay mo anak. M-ay binili kasi ako at . . . at wala nang natira,” mahinang sagot ng kanyang Lolo Carlos.
            “Kung ganoon, ano naman ang binili n’yo?”
            “A-no . . . kasi’y . . .”
            “Itay, isipin n’yo maige kung nagasta nga ninyo. Baka naman nailagay n’yo lang sa kung saan.”
            “P-Pasensya ka na anak . . . p-pero hindi ko na maalala e.”
            “Itay, malaking halaga din ‘yung ibinigay ko sa inyo. Halos katumbas iyon ng isang araw kong kita sa pagtatrabaho. Ano ba talagang binili n’yo at naubos agad iyon?”
            Naghari ang mahabang katahimikan. Pagkunwa’y narinig niyang napa-buntunghininga ang ama.
            “Itay, hindi naman sa pinagdadamutan ko kayo. Bibigyan ko naman kayo kung talagang kailangan ninyo. Pero kung hindi ko naman alam kung saan napupunta ang mga perang ibinibigay ko sa inyo ay ibang usapan na.”
            “Sinisiguro ko sa iyo na iniingatan ko ang mga perang ibinibigay mo, anak.”
            “Hindi tayo nakatitiyak lalo na sa kalagayan ninyo. Sana maunawaan ninyo kung bakit ako naghihigpit sa inyo. Marami tayong gastusin dito sa bahay at madalas ay hindi sumasapat ang sahod ko.”
            “P-ero alam ko pa ang ginagawa ko. Hindi pa naman ganoon kalala ang sakit ko, bagama’t . . . minsan ay inaamin kong marami akong nakakalimutan pero ma--”
            Naputol ang kanyang pakikinig ng maramdaman ang papalapit na yabag ng ina mula sa kusina. Dali-dali siyang lumayo sa may pinto at nagkunwang abala sa paglalaro.
            “Handa na ang hapunan. Tawagin mo ang ate at kuya mo at tayo’y kakain na,” utos ng ina sa kanya. Pagkatapos ay pumasok ito sa loob ng silid kung saan naroon ang kanyang ama at Lolo Carlos.
            Agad siyang tumalima at tinungo ang kabilang silid, ngunit hindi niya maiwasang gunitain ang mga narinig. Maging siya ay nahihiwagaan sa malimit na paghingi ng pera ng kanyang Lolo Carlos sa kanyang ama habang wala naman itong pinagkakagastusan. Pumasok tuloy sa isip niya na maaring naiwala lamang nito ang mga salapi dahil na rin sa pagiging makakalimutin nito. Nakadama tuloy siya ng panghihinayang kung sakaling ganoon nga ang nangyari, talos kasi niyang may kalakihan din iyon, bukod pa sa hindi naman makapal ang bulsa ng kanyang ama.
Bunsod ng alalahaning iyon ay isang ideya ang agad nabuo sa kanyang isip. Nagpasya siyang tultulan ang abuelo upang matukoy niya kung saan nga ba nito dinadala ang mga perang ibinibigay ng kanyang ama. Kaya nang sumunod na araw ay agad niyang isinakatuparan ang kanyang plano. Alerto siya sa bawat galaw ng abuelo at palihim niyang binabantayan ang bawat kilos nito. Hindi iyon naging mahirap sa kanya, dahil madalas na sa bahay o dili kaya ay sa mga kapitbahay lamang ito madalas lumalagi.
At bagama’t wala siyang nadiskubre matapos ang araw na iyon ay ipinagpatuloy pa rin niya ang pag-eespiya sa abuelo sa mga sumunod na araw. Hanggang isang linggo ang matuling lumipas at wala pa rin ibinubunga ang kanyang pagtitiyaga. Wala siyang napupunang kakaiba sa kilos ng kanyang Lolo Carlos. Ang tutuo, ay hindi ito lumabas ng bahay sa loob ng nagdaang mga araw. Tahimik lamang ito at tila palaging may malalim na iniisip. Madalas din niya itong mahuli na nakatunghay sa kawalan, kagaya ngayon habang nakadungaw ito sa bintana sa may sala.
Noon ay nakikipaglaro siya kay Ismael at sa iba pa niyang mga kaibigan sa loob ng kanilang bakuran. Tuwang-tuwa siya at humihiyaw habang nakasakay sa bisikleta na pinahiram sa kanya ni Ismael. Nakikipag-karerahan siya sa mga kalaro na pawang may mga bisikleta rin. Lahat ng kanyang mga kalaro ay mayroon nito maliban sa kanya, kaya madalas ay pinahihiram lamang siya ng mga ito. Hindi tuloy niya maiwasang manibugho sa mga kalaro. Nais din niyang magkaroon ng sariling bisikleta. Kung ilang beses na niyang kinukulit ang ama na ibili siya subalit lagi nitong sinasabi na mahal iyon at wala silang pambili. Madalas ay pagalitan pa siya nito sa tuwing uungkatin niya ang tungkol sa bagay na iyon.
            “Wala ka nang ibang bukang-bibig kundi bisikleta! Wala tayong pera. Isa pa, marami ka namang laruan d’yan,” madalas na ikatwiran ng ama sa kanya.
            “Pero gusto ko ng bisikleta kagaya nang kay Ismael,” giit niya.
            “Huwag kang maging palalo Omar!” galit na sigaw ng ama. “Maraming mas mahalagang gastusin dito sa bahay kasya bumili ng isang bisikleta. Huwag mong ikalungkot ang kawalan ng sapatos dahil may mga taong walang paa!”
            Sa puntong ganoon ay agad siyang aaluhin ng kanyang Lolo  Carlos at ipagtatanggol, na lalo lamang ikakagalit ng kanyang ama. Humihikbi siyang lalapit at yayakap sa kanyang Lolo Carlos, at mabubuhayan siya ng loob sa sasabihin nito: “Huwag kang mag-alala apo. Hayaan mo, kukumbinsihin ko siya para ibili ka ng bisikleta. Isang maganda at bagong bisikleta kagaya ng sa mga kalaro mo.”
            Anong laki ng kanyang tuwa sa tuwing sasabihin iyon ng abuelo. Mabubuhayan siya ng pag-asa na balang araw ay makakamit ang bisikletang bungang-tulog niya. At naisip niya, pag nangyari iyon ay hindi na niya kailangang manghiram pa kay Ismael o sa ibang kalaro; at ang kanyang bisikleta ay lubos niyang iingatan at ipagmamalaki sa lahat.
            Subalit iyon ay bago nagkasakit ang kanyang abuelo. Dahil mula ng tamaan ito ng  kakatwang karamdaman ay nakalimutan na nito ang tungkol sa kanyang bisikleta. At sa pagkakataong uuntagin niya iyon ay tatango lamang ito at balewalang tatahimik. Sa labis na sama ng loob ay nagtampo siya sa abuelo. Katwiran niya, hindi ito dapat nagbitiw ng isang pangako kung ito naman pala ay mapapako.
Kalaunan ay nagpasya siyang kalimutan na ang tungkol sa minimithing bisikleta. Lalo pa’t ipinaliwanag sa kanya ng ina na kailangan umano nilang mag-impok dahil sa susunod na taon ay papasok na siya sa eskwela. Kaya masakit man sa kanyang kalooban ay hindi na niya kinulit pa ang ama at Lolo Carlos tungkol dito. Para sa kanya, ang pangarap na iyon ay isang malaking suntok sa buwan.
            Nang sumunod na araw ay nakita niya ang abuelo na palabas ng kanilang bakuran. Nagmamadali at patago niya itong sinundan. Humantong ito sa bahay ni Tandang Simon, na matalik na kaibigan ng kanyang abuelo. Nagkubli siya sa isang sulok at pinagmasdan ang dalawa habang nag-uusap. Makalipas ang ilang sandali ay nakita niyang may dinukot sa bulsa ng sedang pantalon ang kanyang Lolo Carlos at iniabot iyon kay Tandang Simon. Nagpakunut-nuo siya lalo pa ng kunin iyon ni Tandang Simon, tumango-tango ito at pagkatapos ay tumawa. Tumawa rin ang kanyang Lolo Carlos at saka nagkamayan ang dalawa. Pagkatapos noon ay umalis na ang kanyang abuelo.
            Nang gabing iyon ay maagang natulog ang kanyang Lolo Carlos. Agad itong pumasok sa silid pagkatapos ng hapunan. Nakadama siya ng pag-aalala sa kakaibang ikinikilos ng abuelo. Nagdalawang-isip siyang ipaalam sa ama ang nasaksihan sa pagitan ng kanyang Lolo Carlos at Tandang Simon sa takot na magalit ito sa kanya, dahil tiyak na mabibisto nito ang ginagawa niyang pag-eespiya sa abuelo. Kaya sa huli ay ipinasya niyang manahimik na lamang.
            Mabilis na lumipas ang mga araw at noon ay Biyernes ng umaga. Isa iyong espesyal na araw para kay Omar subalit wala man lang naka-alala sa kanyang mga kapamilya, dahilan para hindi maging maganda ang simula ng kanyang araw. Nakapuno pa sa kanyang nadaramang inis ang malamang nag-iisa lamang siya sa bahay kasama ang kanyang Lolo Carlos. Ang kanyang ama ay pumasok sa trabaho, samantalang ang kanyang ate at kuya ay nasa eskwela. Ang kanyang ina naman ay nagtungo sa pamilihan, at bago umalis ay inihabilin nito na bantayan niya ang kanyang Lolo Carlos.
            Madilim ang kanyang mukha habang naka-upo sa tabi ng bintana at nakatunghay sa labas. Tahimik niyang pinagmasdan ang mga kaibigan na masayang naglalaro habang sakay ng kanilang mga bisikleta.
Hindi sinasadyang napabaling sa kanya si Ismael. Kumaway ito at tinawag siya.
Marahan siyang umiling at pagkatapos ay malungkot na nangalumbaba na tila ba pinagsukluban siya ng langit at lupa.
            Walang anu-ano ay naramdaman ni Omar ang presensiya ng kanyang Lolo Carlos sa kanyang tabi.
            “Kaylalim yata ng iyong iniisip, Mauro,” wika nito at saka umupo sa kanyang tabi.
            Bumaling siya dito. Labis na nadagdagan ang lungkot niya sa huling salitang sinambit nito. Hindi siya kumibo at muling ibinalik ang atensiyon sa labas.
            “Bakit hindi ka lumabas at makipaglaro sa mga kaibigan mo?”
            Nagtaingang-kawali siya at hindi pinansin ang abuelo.
            “Tayong dalawa lamang ba dito sa bahay?” sunod na tanong ng abuelo sa kanya.
            Dahil naniniwala siyang ang magalang na sagot ay nakapapawi ng poot, isang matipid na “opo” ang kanyang isinagot. Pagkatapos ay muling inabala ang sarili sa panunuod sa mga naglalarong kaibigan.
            “Maari mo ba akong samahan sa aking silid, Mauro?” maya-maya ay narinig niyang wika ng abuelo.
            “Lo, ako po si Omar . . .” sa puntong iyon ay hindi na niya maiwasang iwasto ang pagkakamali ng abuelo, subalit natigilan siya ng makitang mabilis itong tumayo at lumakad palayo.
Napilitan siyang tumayo at nayayamot na sumunod sa abuelo. Nasa may pinto na ito ng silid ng abutan niya.
            “Maari mo bang pagbigyan ang isa ko pang kahilingan?” wika nito bago tuluyang makapasok sa pinto, “maari bang ipikit mo ang iyong mga mata sandali.”
Napakunut-nuo siya at bahagyang kinabahan na hindi mawari. Ano ba ang binabalak gawin ng kanyang Lolo Carlos? Matiim niya itong pinagmasdan ngunit natigilan siya ng isang matamis na ngiti ang isinukli nito sa kanya.
Matapos ang ilang sandaling pag-aalangan ay tumango siya at saka ipinikit ang mga mata.
            “Bueno, halika dito sa loob,” wika ng abuelo at inakay siya nito papasok sa loob ng silid, “at huwag mong bubuksan ang iyong mga mata hangga’t di ko sinasabi.”
            “Opo,” napilitan niyang tugon habang maingat na humahakbang.
            Sa puntong iyon ay napalitan ng inis ang kabang nadarama niya kanina. Nagsisi tuloy siya kung bakit hindi na lamang siya lumabas at nakipaglaro kina Ismael. Na-usal din niyang sana’y dumating na ang ina upang makalaya siya sa abuelo.
            “Maari mo nang imulat ang iyong mga mata,” pagkaraan ng ilang sandali ay narinig niyang wika ng abuelo mula sa kanyang likuran.
            Sumunod siya at marahan iminulat ang mga mata. Kumurap siya at iginala ang paningin sa loob ng silid. Naroon pa rin ang kamang yari sa kawayan na gamit ng kanyang Lolo Carlos, maging ang lumang tumba-tumba sa isang sulok, gayundin ang isang maliit at antigong aparador. Walang kakaiba roon maliban sa . . .
            Nanlaki ang kanyang mga mata at napanganga sa nakita.
            Bumilis ang tibok ng kanyang puso ng makita sa isang sulok ang bagay na iyon. Hindi siya makapaniwala at kung ilang beses niyang ikinurap ang mga mata para lamang masiguro na hindi siya nananaginip lang.
Ngunit kapag kuwa’y bigla din siyang natigilan at napaisip. Anong dahilan kung bakit mayroon nito sa loob ng silid ng kanyang Lolo Carlos?
            Nagtatanong ang mga matang humarap siya dito.
            “Binili ko iyan kay Pareng Simon. Ginamit daw iyan dati ng kanyang apo pero ngayon ay nakatambak na lang sa kanilang bahay. Balak nilang ibigay sa isa nilang kaanak pero kinumbinsi ko si Simon na kausapin ang anak niya upang ibenta na lang n’ya sa akin.”
            “Lo . . .” bulalas niyang hindi pa rin makapaniwala.
“Itinatabi ko ang mga kuwaltang ibinibigay ng inyong ama. Bueno, hindi sumapat lahat ng naipon ko ngunit bilang tanda ng pagkakaibigan ay ibinigay pa rin ito sa akin ni Simon. Sinabi ko kasi sa kanya na gusto mong magkaroon ng ganitong laruan kagaya ng iyong mga kaibigan. Nga lamang ay hindi siya bago at napaglumaan na. Magkaganoon man, sana ay magugustuhan mo ito.”
            Pagkarinig doon ay mabilis niyang napagtagpi-tagpi ang mga pangyayari sa nakalipas na mga araw. Saka niya napagtanto ang misteryo sa likod ng madalas na paghingi ng pera ng abuelo sa kanyang ama. Dagling naglaho ang pag-aalinlangan at tampo niya sa kanyang Lolo Carlos. Ngayon ay labis ang kanyang pagsisisi sa mga hindi tamang inasal niya. Masyado siyang naging makasarili at nawalan ng tiwala sa kanyang Lolo Carlos, gayong ang kabutihan at pagmamahal nito sa kanya ay napatunayan niyang hindi kailanman nagmaliw.
            “Lolo . . .” anas niya. Hindi maipinta ang labis na kaligayahan sa kanyang mukha.
            “Maligayang kaarawan Mauro . . . aking mahal na apo.”
            Sinuklian niya ang piping ngiti ng kanyang Lolo Carlos at agad sinamantala ang pagkakataon sapagkat ginto ang katumbas nito.
Lumapit siya dito at niyakap ito ng buong higpit. Sa pagkakataong ito, lipos ng pag-unawa at  pagmamahal. Hindi na mahalaga sa kanya ng mga sandaling iyon kung hindi man nito matandaan ang kanyang pangalan. Dahil higit na mahalaga ang magunita nito ang kanyang kaarawan, at higit sa lahat . . . ang kanyang bisikleta.

NOTE: This post is undergoing editing.

Comments

Popular posts from this blog

Bakit Ako Umaakyat ng Bundok? (V.2 - Hugot Version)

Misadventures at San Jose Circuit (Mt. Kawayan, Mt. Bungkol Baka and Mt. Tangisan)

Ang Apat na Bundok ng Cawag (Balingkilat, Bira-Bira, Dayungan at Cinco Picos)