Ang Apat na Bundok ng Cawag (Balingkilat, Bira-Bira, Dayungan at Cinco Picos)
‘Naniniwala ako na kung wala kang
nagagawa sa kinatatayuan mo ngayon, wala ka rin magagawa sa kung saan mo man
gusto magpunta.’
Ang Hamon
Paumanhin sa mga mambabasa ng aking ‘blog’ kung sakaling manibago kayo. Sapagkat ngayon ay Buwan ng Pambansang Wika kaya napagdesisyunan kong isulat sa wikang Filipino ang ‘blog entry’ na ito. Bukod pa sa kadahilanang ito ay nais ko din pagbigyan ang hiling ng aking mga kasamahan sa ‘Trail Seekers’ na naghihimutok dahil napakahirap daw unawain ng aking mga isinusulat sa wikang Ingles. ‘Nose bleed’ ba kamo? Isang kabalintunaan marahil na pinili kong magsulat sa banyagang wika gayung kailanman ay hindi nagmaliw ang pagmamahal ko sa ating sariling wika. Kaya upang ipakita na hindi pa rin nawawaglit sa aking kamalayan ang kinagisnan kong lenggwahe ay buong puso kong tinanggap ang kanilang hamon. Nakakapanibago man sa simula ngunit kalaunan ay naging madali din ang lahat. Kailangan ko lamang ilahad ang aking saloobin na walang iniisip na maling ‘spelling’ o ‘grammar’. Bahala na si Batman.
Ang sanaysay na ito tungkol sa mga naging kaganapan ng aking pag-akyat sa apat na bundok sa sitio Cawag sa lalawigan ng
Zambales ay aking pagbibigay halaga sa ating pambansang wika. Isa rin itong
matapang na sagot sa hamon ng aking mga kaibigan at kasamahan sa pamumundok
(Tama ba ang salitang ginamit ko?). Higit sa lahat, isa din itong pagbibigay
pugay kay Bob Ong, na tanging manunulat na Pilipino na binasa ko ang mga akda.
Kakatwa man, heto na ang kauna-unahang
kong sanaysay sa ‘blog’ na ito na isinulat sa wikang Filipino. Nawa’y hindi ko
kayo nabigo at pakiusap ‘wag sana ninyo ako ibash kung sakaling hindi pumasa sa
inyong panlasa ang mga isinulat ko. Ganern!
^^^^^^^^
‘Kung nakikita mo na ang dahilan
mo para sumuko... huwag mo na lang tingnan.’
Ang Pagbabalik sa Balingkilat
Espesyal sa akin ang bundok ng
Balingkilat. Ito ang unang bundok na inulit ko akyatin. Ang una kong akyat dito
noong buwan ng Pebrero ay maituturing na isa sa pinakamadali at pinakapaborito
kong akyat sa lahat. Hindi ako nahirapan
noon kahit pa sa kabila ng katotohanan na iyon ang una kong akyat sa isang
mataas na bundok. Nagkataon din na noon ay naki-ayon ang panahon at hindi
kainitan sa Balingkilat kaya naman masasabi ko na talagang maswerte ako sa
unang tangka ko sa bundok na ito. Subalit sa ikalawang pagbabalik ko sa
Balingkilat ay hindi ko masasabi na maswerte pa rin ako. Ang mga kaganapan sa aking
pag-akyat sa bundok na ito sa ikalawang pagkakataon ay taliwas sa aking
inaasahan. Gusto ko tuloy isipin na nagkamali ako ng desisyon na ituloy ang
akyat sa kabila ng paalala sa akin na mapanganib maglakbay tuwing ‘ghost month’.
Nangyari ang dapat mangyari. Ngayon hayaan ninyong ilahad ko ang mga pangyayari
sa araw na tinangka ko akyatin ang apat na bundok ng Cawag.
Una, hindi agad nagsimula ang
aming akyat. Nahuli ako ng dating sa aming tipanan sa may San Fernando,
Pampanga. Halos tatlumpung minuto akong hinintay ng aking mga kasama. Sa aking
pagdating nalaman kong hindi na pala sasama ang isa pa na dapat ay katipan din
naming sa lugar na iyon. Pagkatapos ayusin ang aming mga bagahe sa loob ng
sasakyan ay nagpasya na kaming tumuloy sa aming paglalakbay.
Pagkatapos ng mahigit isang oras
na biyahe ay sinapit naming ang bayan ng Subic sa lalawigan ng Zambales.
Huminto kami sa ‘police station’ upang magparehistro sa aming gagawing
pag-akyat. Dahil katabi lamang ng nasabing ‘police station’ ang isang ‘fast
food restaurant’ ay nagdesisiyon kami na pumasok doon upang mag-agahan. Pagkatapos
naming kumain ay nagpasya kaming magtungo sa malapit na palengke upang mamili
ng mga pagkain. Pagkatapos mamili ay agad na kami nagtungo sa aming sasakyan.
Alas-siyete ng umaga ng
makarating kami malapit sa ‘jump-off point’. Bumaba kami sa hangganan ng
sementadong daan at mula doon ay kailangan pa namin maglakad patungo sa mismong
‘jump-off point’. Kapansin-pansin ang maputik na daan kaya nahinuha ko na
umulan doon nang nagdaang araw.
Pagkatapos namin marating ang ‘jump-off point’ ay dagli kaming nag-ayos ng mga gamit at naghanda. Hindi biro ang aming gagawing pag-akyat kaya siniguro namin na handa kami. Hiniwalay ko ang ilang gamit na minabuti kong ipabuhat sa aming ‘guide’ na magsisilbi rin bilang ‘porter’ ng aming grupo. Makalipas ang mahigit isang oras ay nagsimula ang aming paglalakbay. Nauna ang ilan sa amin samantalang gaya ng nakagawian ay nagpahuli kami sa grupo. Kasama ko ang pinuno ng grupo na si Alvin at ang mga datihan ko na kasama sa pag-akyat na sina Mike, Angel, Jay, Fred, Joel, Shaey, at Pars (Babae po siya).
Ang simula ng aming paglalakbay ay madali ngunit kalaunan ay napagtanto namin na dahil tirik na ang araw nang kami ay nagsimula kailangan namin harapin at tiisin ang matinding sikat ng araw. Bagamat iyon ay buwan ng tag-ulan ay hindi maitatatwa ang init sa Balingkilat dahil na rin sa madalang lamang ang puno sa nasabing bundok. Hindi ko na mabilang kung naka-ilang hinto at pahinga kami dahil sa tunay na nakakapagod ang pag-akyat. Sinasamantala namin ang pagkakataon na magpahinga sa tuwing may madaanan kaming puno. Tama lamang marahil na tawagin kaming ‘team pahinga’. Di umuubra sa amin ang ‘take five’ dahil madalas halos abutin ng tatlumpung minuto ang pahinga namin. Kaya naman tila inabot ng ‘forever’ ang akyat namin.
Puno ng hamog ang ‘camp site’ nang kami ay dumating. Nagbabadya na anumang sandali ay maaring umulan. Noon ay alas-dos na ng hapon. Bukod sa pagod ay gutom din ako ng mga sandaling iyon kaya nagdesisiyon kaming kumain muna. Pagkatapos kumain ng tanghalian ay naisipan namin kumuha ng tubig sa malapit na ilog. May kaunting pagaalinlangan ako kung malinis ang tubig ngunit dahil wala nang natira sa dala kong tubig at malayo pa ang sunod na ‘water source’ ay kumuha din ako at uminom sa tubig galing sa ilog.
Pagkakuha ng tubig ay nagbalik
kami sa ‘camp site’ at nagpakuha ng larawan ang aming grupo. Saka kami naghanda
para akyatin ang ‘summit’. May ilan sa amin ang nagpasya na huwag na tumuloy sa
‘summit’ at sa halip ay dumiretso pababa sa bundok ng Bira-Bira. Katwiran nila
ay puno ng hamog ang ‘summit’ at wala rin naman makikitang magandang tanawin
doon. Magkaganoon man, tumuloy din ang ilan sa amin sa ‘summit’. Bukod sa
malapit lamang ito ay sayang din kasi ang pagkakataon.
Narating namin ang ‘summit’ pagkalipas ng halos tatlumpung minuto. Napakakapal ng hamog ng dumating kami doon. Halos wala kang makita sa paligid. Ipinaalala ng aming ‘guide’ na kailangan namin magmadali upang huwag abutan ng dilim sa aming pagbaba. Dagli kaming nagkuhanan ng larawan at pagkatapos ay nagpasyang bumaba na.
May agam-agam ako habang pababa
dahil alam kong mahirap ang aming tatahaking daan bukod pa sa nagsisimula na
rin dumilim noon. Inaasahan ko rin na anumang sandali ay bubuhos ang ulan. Ulan
at dilim ang iniiwasan ko sa tuwing ako’y aakyat ng bundok. Hindi biro ang
maglakad sa bundok sa gitna ng dilim lalo pa habang umuulan. Napaka-peligroso
at maari iyon makapa-pabagal sa iyong kilos. Hinanda ko ang aking sarili at binilisan
ang aking hakbang pababa patungo sa bundok ng Bira-Bira.
^^^^^^^^
‘Nalaman kong habang lumalaki ka,
maraming beses kang madadapa. Bumangon ka man ulit o hindi, magpapatuloy ang
buhay, iikot ang mundo, at mauubos ang oras.’
Buwis Buhay sa Bira-Bira
Sa aming pagbaba ay naabutan
namin na ang aming mga kasama na hindi tumuloy sa ‘summit’ na hinihintay kami.
Pagkatapos noon ay sabay na kami tumuloy pababa sa mabatong gulod ng bundok
Bira-Bira. Pinilit kong bilisan ang aking mga hakbang kahit pa mahirap dahil sa
hamog na bumabalot sa paligid. Naisip kong hindi ako dapat datnan ng dilim sa
parteng ito ng bundok. Kailangan namin marating ang ‘campsite’ bago dumilim.
Ngunit tila hindi nakiki-ayon ang panahon sa akin ng mga sandaling iyon.
Sa kabila ng pagsisikap kong
sumabay sa aking mga kasama na nauuna sa grupo ay may pagkakataon na naiiwan
ako dahil sa pagod at hirap sa pagbaba. Hindi na kami nag-aksaya ng oras para
magpahinga at walang katapusang lakad ang aming ginawa. Kung ilan beses ako muntik
madapa at sa isang pagkakataon ay tumama ang tuhod ko sa isang malaking bato.
Nagkaroon ako ng galos at sugat sa tuhod at hita. Sa kabutiang palad ay hindi naman
iyon malala kaya nagpatuloy pa rin ako sa paglakad.
Paminsan minsan ay pumapatak ang
mahinang ulan kaya inilabas ko at ginamit ang dala kong payong. Naging mahirap
ang aking pagkilos dahil bukod sa mabigat ang ‘bag’ na dala ko sa aking likuran
ay may hawak din akong ‘trekking pole’ at payong. Idagdag pa sa kamiserablehan
ko ang tila walang katapusang paglalakbay namin sa gulod ng mga bato. Lumala pa
ang lahat ng tuluyang bumuhos ang malakas na ulan. Hindi iyon inalintana ng iba
kong mga kasama at nagpatuloy lamang sila paglakad kahit basang-basa na sila.
Nagpatuloy ang buhos ng ulan at hindi
naiwasan na mabasa na rin ang damit ko at ang aking ‘bag’. Sa huli, nagpasya
akong isuot ang dala kong kapote upang huwag ako tuluyang maligo sa tubig ulan
at maiwasang mabasa ang mga dala kong ‘electronic devices’. Hindi tumila ang
ulan hanggang sapitin namin ang bundok Bira-Bira. Sa halip lalong lumakas ang
ulan na may kasamang malakas na ihip ng hangin. Nang magkita-kita ang aming
grupo malapit sa ‘campsite’ ay madilim na at malakas pa rin ang ulan.
Iminungkahi ng aming ‘guide’ na ituloy ang aming paglalakad at sa malapit na ‘tower’
na lamang kami magcamp.
Pagod na ako ng mga sandaling
iyon ngunit wala akong magawa kundi ang magpatuloy sa paglakad. Walang
nagtangka sa grupo na magpahinga kahit pa pataas ang aming landas na tinatahak
ng mga sandaling iyon. Hindi ko alam kung kakayanin ko pa dala ng pagod. Hirap
na ako sa paglalakad dahil sa dilim at sa ulan na nagiging sagabal upang
makakita ako ng maayos. Sa kabila ng lahat, pinilit kong ituon ang aking
atensiyon sa aming dinadaanan para na rin sa aking kaligtasan.
Dahil madilim na ang paligid ay inilabas ng aking mga kasama ang dala nilang ‘headlamp’. Bagamat may dala din ako ay hindi na ako nagkaroon ng pagkakataon na pa ilabas iyon. Dahil hirap talaga akong makakita sa dilim ay inalalayan ako ng aking mga kasama at pagkalipas ng ilang minutong buwis buhay na paglalakad ay sinapit namin ang ‘campsite’. Sa isang tabi ng ‘campsite’ ay may isang maliit na kubo. Sumilong kaming lahat doon. Walang senyales na hihinto ang ulan ng mga sandaling iyon. Lahat kami ay basa ang buong katawan at halos ginawin sa lamig. Nanlalambot at pata ang katawan na umupo ako sa papag na kawayan sa gitna ng kubo. Nakapatong lahat doon ang aming mga basang ‘bag’.
Habang nagpapahiinga ay nagpasya
kaming magluto para sa aming hapunan. Nagpasya akong magpalit ng damit dahil
nagsimula na akong ginawin. Basa ang suot kong damit maging ang aking medyas at
sapatos. Nanlumo din ako ng malaman ko na pati ang ‘sleeping bag’ na ipinabuhat
ko sa aming ‘guide’ ay nabasa din. Mabuti na lamang at nailagay ko sa isang ‘zip
lock bag’ ang aking mga pamalit na damit kaya iyon ay hindi nabasa.
Pagkaluto ng aming pagkain ay agad kaming kumain. Habang lumalalim ang gabi ay patuloy ang buhos ng ulan, walang senyales na ito ay huhupa. Sa puntong iyon ay sinisi ko ang aking sarili kung bakit pa ako tumuloy sa akyat na ito disin sana’y nasa bahay ako ng mga sandaling iyon at komportableng nakahilata sa aking kama. Tila awang-awa ako sa aming kinasadlakang sitwasyon. Marahil dahil noon ko lamang naranasan ang ganoon kaya labis akong nanlumo.
May pagkakataon na bahagyang tumila ang ulan kaya sinamantala namin iyon at sinimulang itayo ang aming ‘tent’. Tumulong ako kina Joel at Fred sa pagtatayo nito ngunit bigla naman lumakas ang ulan kaya muli akong nabasa. At kung akala ko’y tapos na ang aming kalbaryo ay nagkamali ako dahil nang pumasok na kami sa loob ng ‘tent’ upang matulog ay nagsimulang pumatak ang tubig sa loob. Naipon ang tubig sa loob at nabasa pati aming mga ‘bag’. Imposible na makahiga kami sa loob at makatulog. Nagawang maidlip nina Joel at Fred ngunit pilitin ko man ay hindi ko magawa makatulog kahit pa sabihing ako’y pagod at inaantok ng mga sandaling iyon. Nagpatuloy ang pagbuhos ng ulan at sa kabila ng aming pagsisikap na remedyuhan ang pinsala ay wala rin nangyari.
^^^^^^^^
‘Minsan, kailangan mong maging
malakas, para amining mahina ka.’
Daanan na Lang Kita Dayungan
Alas-kuwatro ng umaga ng magpasya
kaming lumabas ng ‘tent’. Wala nang saysay ang manatili pa doon dahil basa din
kami. Nagtungo kami sa kubo kung saan naroon at natutulog ang iba namin mga
kasama. Umupo ako sa gilid ng papag na kawayan at doon hinintay ko ang pagsapit
ng umaga. Sinikap kong kalmahin ang aking sarili sa gitna ng antok, pagod at
lamig na aking nararamdamn ng mga sandaling. Umasa ako na matatapos at magiging
maayos din ang lahat. Tiwala ako sa kasabihang pagkatapos ng unos, sisikat din
ang araw.
Nagsimula lumiwanag ang paligid
ngunit hindi pa rin tumila ang ulan. Naging kapansin-pansin ang hamog ay
pumapalibot sa buong ‘campsite’ dahilan para walang makita sa paligid. Pagsapit
ng umaga ay nagpasya kaming magluto para sa aming almusal. Sa puntong iyon ay
napag-usapan namin kung itutuloy pa ang pag-akyat sa bundok Dayungan at Cinco
Picos. Batid namin na kung magpapatuloy ang pag-ulan ay magiging mahirap ang
aming paglalakbay sa dalawang natitira pang bundok. Malinaw ang aking sagot ng
mga sandaling iyon. Ayoko na! Wala na akong balak magpatuloy. Ang tutuo ay
iniisip ko na bumaba at umuwi ng mga
sandaling iyon. Hindi ko rin lubos maisip kung paano pa kami magpapatuloy
gayung basa lahat ng mga kasuotan at gamit namin. Karamihan ay ayaw na rin
tumuloy kaya sa huli ay nagdesisyon ang lahat na huwag na tumuloy umakyat sa
dalawang bundok at sa halip ay daanan na lamang namin ang mga ito.
Pagkatapos ng aming almusal ay
naghanda na kami sa aming pag-alis. Noon ay tumigil na ang ulan bagamat mahamog
pa rin ang paligid. Pagkatapos mailigpit ang lahat ng aming mga kagamitan at
linisin ang ‘campsite’ ay nagkuhanan kami ng larawan. Ilan sandali pa ay
tinahak na namin ang daan patungo sa bundok ng Dayungan. Noon pa lang tumambad
sa akin ang itsura ng kapaligiran malapit sa ‘campsite’. Dito ko din napansin
ang matayog na poste na nakatayo malapit sa ‘campsite’. Ayon sa aming ‘guide’
ang ‘tower’ na ito ay may layuning sukatin ang enerhiya sa lugar dahil sa
binabalak na pagtatayo ng mga ‘windmills’ doon.
Ang daan ay puno at napapalibutan
ng matataas na talahib ngunit namangha kami sa ganda ng tanawin. Mula sa aming
kinalalagyan ay tanaw ang Nagsasa Cove. Tumigil kami saglit at nagkuhanan ng
litrato. Kakatwa na nagsimula gumanda ang panahon ng mga sandaling iyon. Nagpatuloy
kami sa paglakad. Sa aming harapan ay tanaw ang bundok Dayungan at sa di
kalayuan ang tatlong tuktok ng Cinco Picos. Tunay na nakakamangha ang tanawin
aming dinaraanan. Napakaluntian ng mga damo sa paligid at ang mga nagtataasang
bundok ay napapalibutan ng hamog sa tuktok. Kung ilan ulit kami tumigil upang
kumuha ng mga larawan.
Sinapit namin ang ibabang bahagi
ng Dayungan at doon ay nagkuhanan kami muli ng larawan. Ang Dayungan ay hindi
kasingtaas gaya ng Balingkilat ngunit ayon sa aking mga kasama na nakaakyat na
doon, malayo ang lakarin dito bukod pa sa halos walang puno sa nasabing bundok.
Pinagmasdan ko ang Dayungan upang sa alaala man lang ay tumatak ang hitsura
nito sa akin.
Muling nagpatuloy ang aming
paglalakbay at sa pagkakataong ito ay naging mahirap ang daan na aming tinahak.
Mabato, madulas at makitid ang mga daan. May pagkakataon pa na kailangan namin
tumalon patungo sa kabilang panig ng daan. Mayroon din na kinailangan namin
bumaba sa isang madulas na gilid ng daan. Hindi naglaon ay sinapit namin ang
isang malaking ilog.
Dahil balak ng grupo na magtungo
sa isang malapit na talon, kailangan iwan ang aming mga gamit sa may ilog.
Nagpasya akong huwag na sumama sa kanila. Pagod na ako at iniinda ko din ang
sakit ng aking kaliwang tuhod. Naisip kong magpahinga na lamang doon bukod pa
sa wala akong interes sa nasabing talon. Hindi sa mga sandaling iyon. Tanging
hangad ko noon ay makabalik sa ‘jump-off point’ at makauwi na. Tumuloy ang
grupo sa talon matapos iwan ang gamit sa pampang ng ilog. Naiwan ako kasama ang
isa sa aming ‘guide’ upang bantayan ang aming mga gamit.
^^^^^^^^
‘Mas mabuting mabigo sa paggawa
ng isang bagay kesa magtagumpay sa paggawa ng wala.’
Tatanawin na Lang Kita Cinco
Picos
Sinamantala ko ang aking pag-iisa
at pinagmasdan ang paligid. Sa aking kinalalagyan ay tanaw ko na lamang ang
bahagi ng bundok Cinco Picos. Nakakapanghinayang man ay masaya na akong tanawin
na lamang ito maging ang mga nagtataasang bundok sa aking harapan. Ang berdeng
kulay ng mga bundok ay napaka-aliwalas pagmasdan. Sa aking tabi ay nakakakalma
ng isipan ang malakas na agos ng tubig sa ilog. Ayon sa kasama kong ‘guide’,
kagabi ay abot hanggang pampang ang tubig sa ilog dahil sa magdamag na buhos ng
ulan. Nabanggit din niya na kailangan namin tawirin ang ilog upang marating ang
kabilang panig nito na siyang daan pabalik sa ‘jump-off point’. Napailing na
lamang ako dahil sa tingin ko’y napakalalim ng ilog bukod pa sa napakalakas ng
agos nito.
Malinaw ang tubig sa ilog kaya nagpasya
akong kumuha nang maiinom. Nagtabi din ako para baunin sa aming pagbaba. Habang
hinihintay ang aking mga kasama ay naupo ako sa isang tabi at tinangkang
umidlip. Ngunit hindi rin ako pinalad dalawin ng antok. Bahagyang sisikat ang araw
at lulubog pagkatapos. Tila walang kasiguruhan na tuluyang magiging maganda ang
panahaon sa araw na iyon. Ninamnam ko na lang ang nakakabighaning lagaslas ng
tubig sa ilog habang nakasandal sa isang malaking bato.
Makalipas ang mahigit isa at
kalahating oras ay dumating din ang aking mga kasama. Basa ang kanilang
kasuotan at bakas ang pagod mula sa kanilang paglalakbay mula sa talon. Habang
nagpapahinga ang lahat ay nagpasya kaming magluto para sa aming tanghalian. Buhat
sa natitira pa naming mga pagkain ay nagluto kami sa tabi mismo ng ilog. Agad
kaming kumain pagkatapos.
Nagpasya kaming tumuloy sa
paglalakbay pagkatapos makapagtanghalian at makapagpahinga. Sa pagkakataong ito
ay kailangan namin tawirin ang mababaw na bahagi ng ilog patungo sa kabilang pampang.
Noon ko lamang ginawa ang ganoon kaya bahagya akong kinakabahan habang
naglalakad sa malamig na tubig ng ilog. Maingat ang bawat hakbang ko dahil sa
sandaling magkamali ako ng kilos ay maari akong anurin ng tubig.
Maayos kaming nakatawid sa ilog. Pagkatapos
noon ay nagpatuloy ang aming paglalakad. Sa puntong iyon ay naging madali na ang
daan na aming tinahak. Malaking tulong din na hindi gaano mainit ang sikat ng
araw ng mga sandaling iyon. Puro patag na ang aming dinaraanan bagamat naging
pahirap at sagabal ang makakapal na talahib na nakaharang sa aming daraanan.
Tumatama ang matatalim na dahon ng mga ito sa aming katawan. Napuno ng sugat
ang aking paa at may ilang sugat din ako sa kamay. Puro talahib ang daan na
aming tinahak at di mabilang na ilog ang aming tinawid. At sa pagaakalang tapos
na ang lahat dahil ayon sa aming ‘guide’ ay malapit na kami sa ‘jump-off point’,
nasorpresa ako ng tumambad sa akin ang isa pang mas malaking ilog. Noon ay
kasalukuyang patawid ang nauna naming mga kasama. Pinagmasdan ko ang ilog. Napakalakas
ng agos ng tubig at napakalayo ng kabilang pampang bukod pa sa napakalalim ng
ibang bahagi nito.
Hinanda ko ang aking sarili at buong
tapang na tinawid ang ilog. Napakalalim at napakalakas ng agos nito at akala ko
ay mapuputol ang hawak kong ‘trekking pole’ na nagsilbing panangga ko sa pwersa
ng tubig. Maingat ang aking mga hakbang habang palapit sa kabilang pampang. Sa
kabila ng aking pagaalinlangan ay matiwasay akong nakaabot sa kabilang panig ng
ilog. Nanlalambot na naupo ako sa isang tabi. Basa ang aking damit mula dibdib
pababa dahil na rin sa lalim ng tubig.
Pagkatawid naman sa ilog ay
sinamantala ng aking mga kasama ang maligo. Hindi ako marunong lumangoy kaya
minabuti kong manatili sa gilid at panoorin na lamang sila habang lumalangoy at
nagpapatangay sa rumaragasang agos ng tubig. Tinapos namin ang huling sandali
sa ilog sa pamamagitan ng pagkuha ng mga larawan.
Mula sa ilog ay ilang minuto na
lang ang kailangan namin lakarin. Muli kaming nagpatuloy sa aming paglalakbay. Isa
pang malaking ilog ang aming tinawid ngunit hindi kagaya ng nauna ito ay
mababaw lamang. Ito rin ang parehong ilog na tinawid namin kahapon sa aming pag-akyat
sa bundok ng Balingkilat.
Ilang saglit pa ay sinapit na
namin ang ‘jump off point’. Lahat kami ay ligtas nakarating doon. Hindi na kami
nag-aksaya ng panahon at dagling naligo at nagpalit ng malinis at tuyong damit.
Ilang oras pa at nilisan na namin ang ‘jump-off point’ alas-siyete ng gabi. Ngunit
makaalis ay muling bumuhos ang malakas na ulan. Patuloy ang pag-ulan habang
kami ay bumabyahe. Huminto kami at kumain ng hapunan sa isang ‘fast food
restaurant’ na aming nadaanan. Pagkatapos ay muling nagpatuloy ang aming
biyahe. Nakarating ako sa aming bahay nang pagod, paika-ika at halatang
pinagkaitan ng ilang araw na tulog. Iyon ay alas-kuwatro ng umaga araw ng
Lunes.
Ngayon, masasabi mo bang ‘boring’
ang mga nangyari sa akin sa Cawag?
^^^^^^^^
‘Parang eskwelahan din ang buhay
e. Marami kang pag-aaralan, pero hindi naman lahat ‘yun e importante at
kailangan mong matutunan.’
Ang Gintong Aral
Kadalasan ay dumarating sa ating
buhay ang mga pagsubok. Minsan upang subukin ang ating pananampalataya sa
Maylikha. Minsan upang turuan tayo ng mahalagang mga aral sa buhay. Ang
paglalakbay ko sa mga bundok ng Cawag ay isang sugal at pakikipagsapalaran na
nagbigay sa akin ng bagong pananaw sa buhay. Ang mga natutunan at naranasan ko doon
ay hindi ko kailanman makakalimutan dahil bukod sa mga sugat at sakit ng
katawan na tinamo ko sa pag-akyat sa mga bundok nito ay tumatak din sa aking
isipan ang aral na matutong pahalagahan ang mga simpleng bagay na meron ako. Dahil
habang naroon ako sa tuktok ng bundok, sa gitna ng tila kawalan at binabata ang
hirap at pagod, pakiwari ko’y salat ako sa lahat ng bagay. Subalit ang alalaaning
mayroon pa akong matatawag na tahanan at pamilya ay nakapagpalubag sa aking nararamdamang
hirap, nagbigay ito ng ibayong lakas ng loob at pag-asa na magiging maayos din
ang lahat.
Ang hirap na aking pinagdaanan sa
mga bundok ng Cawag ay hindi biro. Hindi rin ito naging dahilan para ako’y tuluyang
sumuko. Maaring may pagkakataong nawawalan na ako ng pag-asa subalit naisip ko,
ano nga ba ang katuturan ng lahat kung ako’y susuko? Alam ko sa sarili ko
na kaya ko. Hindi ko marahil batid subalit malakas ako kaysa sa aking inaakala.
Siguro nga, ‘deep inside’ ay ‘fighter’ ako. Sa dami ng pinagdaanan ko sa buhay,
ano lang ba iyong madapa ako at masugatan, mabasa ng ulan at ginawin, hindi
matulog ng dalawang magkasunod na araw, at uminom ng tubig na di ko tiyak kung
malinis ba o hindi. Napagtanto ko, may iba nga na mas malala pa sa dinanas ko
ang kanilang pinagdaanan o pinagdadaanan sa buhay. Tingin ko’y hindi ako dapat
malungkot at wala akong karapatang magreklamo. Sa kabilang banda, ginusto ko
ito kaya kailangan panindigan ko. Masuwerte pa nga ako kung tutuusin. Ang tutuo, marami akong dapat ipagpasalamat. Sa mga biyaya na bigay sa akin tulad ng aking
pamilya at mga kaibigan, na palaging andiyan sa aking tabi’t handang damayan ako
anumang oras.
Comments
Post a Comment