Goodbye, My Captain

            Matulin ang kanyang takbo at wala ni katiting na pag-iingat, baliwala kahit matapilok pa siya. Hindi rin niya alintana kung saan siya patungo sa mga sandaling iyon, kung magawi’t maligaw siya sa gubat na malapit sa kanilang tirahan ay hindi na mahalaga sa kanya. Masama ang loob niya at gusto niyang mapag-isa. Sa pagkakataong ito, malayo sa kanyang inang si Carmen, malayo sa kanilang bahay, at sa mga lihim na patuloy na itinatago ng ina sa kanya.

Nagsimula siyang hingalin pagkalipas ng ilang minuto kaya nagpasya siyang kupadan ang takbo. Pinahid niya ang pawis na nagsimulang dumadausdos sa kanyang noo.  Dahil dito ay hindi niya napuna ang piraso ng kahoy na nakahalang sa kanyang paanan. Bumagsak siya padapa bago pa man niya magawang sumigaw.

Naramdaman niyang tumama ang ulo sa isang matigas na bagay. Napangiwi siya sa tindi ng sakit. Sinundan iyon ng pag-ikot ng kanyang paningin. Nais niyang humiyaw upang humingi ng saklolo subalit bigla siyang nawalan ng lakas. “I-ina . . .” tanging nasambit niya bago tuluyang nagdilim ang kanyang paningin.

Animo’y isang panaginip ang lahat, may naulinigan siyang mga yabag at isang pamilyar na tinig. Maya-maya lang ay naramdaman niyang may kamay na humaplos sa kanyang pisngi.
           
“Bata gumising ka . . . Diyos na mahabagin, ano bang nangyari sa iyo?”
           
Marahan niyang iminulat ang mga mata. Kumurap siya habang inaaninag ang mukha ng babae sa kanyang tabi. Nakaluhod ito sa kanyang ulunan at nakapatong ang isa nitong kamay sa kanyang pisngi. Napapitlag siya sa lamig na dulot ng mga haplos nito.
           
“I-ina?” bulalas niya at muling ikinurap ang mga mata.

            Nahinto ang kamay ng babae nang magawi ito sa kanyang ulo.

            “Huwag kang kikilos at may sugat ka sa ulo,” may pag-aalala sa tinig ng babae. “Sandali lang at huwag kang aalis dito.”

            Sa nanlalabo pa rin niyang paningin ay nakita niyang tumakbo palayo ang babae.

            “Ina . . .” sinapo niya ang ulo at sinikap na bumangon. “A-aray . . .” daing niya nang biglang kumirot ang kanyang sentido.

Lumuklok siya sa isang tabi habang hinihintay ang pagbabalik ng ina. Nguni’t lumipas ang halos kalahating oras ay hindi pa rin ito dumarating. Napahalukipkip siya nang biglang makadama ng panlalamig. Saan siya nagpunta? tanong niya sa sarili. Posible bang inabandona siya ng ina sa ganoong kalagayan? Hindi siya makapaniwala na sa kauna-unahang pagkakataon ay hinahanap niya ang pagkalinga nito.

            Nang ‘di makatiis sa paghihintay ay naisip niyang kusang bumalik sa kanilang bahay. Madalas man ang kanilang hindi pagkakaunawaan ay batid niyang hindi siya matitiis ng ina. Malungkot siyang tumayo nguni’t bago niya magawang humakbang ay bigla siyang nakarinig ng mga putok ng baril.

            Luminga siya sa paligid habang sapo ang dibdib sa labis na kaba at takot. Nguni’t hindi pa man siya nakakabawi sa pagkabigla ng isang malakas na pagsabog ang yumanig sa buong kagubatan. Kasunod noon ay isang sigaw ang umalingawngaw.

            Hindi siya nagdalawang-isip pa, karaka-raka siyang kumaripas ng takbo sa walang tiyak na direksiyon. Binata niya ang pagsidhi ng kirot sa kanyang sentido makalayo lamang sa lugar na iyon. Naparam ang mga putok ng baril nguni’t nagpatuloy pa rin siya sa pagtakbo. Tumugot lamang siya nang maramdaman ang pamimitig ng mga paa.

Luminga siya at nakiramdam sa paligid. Ngayon ay tahimik ang kapaligiran, bagama’t hindi iyon nagbigay kapanatagan sa kanya, lalo pa’t naalala niya ang babala ng ina na huwag siyang susuong sa pusod ng gubat. “May mga nagagawing mangangaso sa gubat. Hindi mo alam kung anong maari nilang gawin sa iyo. Kaya huwag kang pupunta doon, naiintindihan mo?” madalas ipangaral ng ina sa kanya. Hindi niya madalumat noon kung bakit ganoon na lang ang takot ng ina sa gubat. Ngayon ay napatunayan niya na tama ito sa pagbabawal sa kanya. Pero sa mga mangangaso nga ba galing ang mga putok ng baril at pagsabog na narinig niya kanina?

Sa kanyang paglingon sa isang bahagi ng gubat ay nahagip niya ng tingin ang isang  bahay na nakakubli sa isang dambuhalang puno ng Balete. Bahagya siyang nabuhayan ng lakas at pag-asa. Wala siyang sinayang na sandali at paika-ikang lumakad palapit doon. Naka-ilang hakbang din siya bago tuluyang tumambad sa kanyang harapan ang guho ng isang bahay. Malaki ito at yari sa bato, at binubuo ng dalawang palapag; wala na itong bubong at natibag na ang ilang bahagi kabilang ang mga bintana at pader; may mga puno na rin na tumubo sa loob nito, at may mga halamang ligaw na gumagapang sa mga dingding.

Walang katiyakan na ligtas siya sa lugar na ito. Pero maari akong magtago dito hanggang sa umalis ang mga mangangaso, katwiran niya. Kaya huminga siya nang malalim at marahang humakbang palapit sa bahay.

            Pagpasok sa natibag na pinto ng bahay ay bumulaga sa kanya ang masukal na loob nito. Nagka-bitakbitak na ang sahig at tinubuan ng mga damo. Marami din mga piraso ng bato na nagkalat sa paligid mula sa natibag na parte ng bahay. Paglingon niya sa kanyang kanan ay nakita niya ang isang hagdan. Patungo iyon sa ikalawang palapag ng bahay. Marahan siyang humakbang palapit roon. Nguni’t bago siya tuluyang makalapit ay nakarinig siya ng mga yabag. Agad siyang natigilan at kinabahan.

            “S-ino ‘yan?” bulalas niya at luminga sa paligid. “Kung sino ka man magpakita ka sa akin!” buong tapang niyang sigaw bagaman nanginginig na ang kanyang mga tuhod.

            Hindi niya inaasahan na mapapatda siya sa sunod na mangyayari. Isang lalaki ang biglang sumulpot buhat sa bandang likuran ng bahay.

            “S-sino ka?” tanong niya at napaurong nang makitang naka-uniporme ang lalaki at may naka-sukbit na baril sa tagiliran.

            “What?” napakunut-noo ito at marahang lumapit sa kanya.

Humakbang siya patalikod habang kumakabog ang kanyang dibdib.

            “Who are you? What are you doing here?” mabalasik na tanong ng lalaki sa kanya.

            Napalunok siya at biglang pinawisan nang malapot dahil sa nadaramang takot. Galing ba sa lalaking ito ang mga putok na narinig niya kanina?

“Speak up, little girl.”

            Tumigil siya sa paghakbang at pinagmasdan ang lalaki. Ngayon lang niya napagtanto na kakaiba ang itsura nito. Hindi siya maaring magkamali na isa itong dayuhan. Matangkad, maputi, matikas ang katawan, at napakatangos ng ilong. At ang mga sinasabi nito ay hindi lokal na salita. Alam niya ang wikang sinasambit nito. Nauunawaan niya iyon bagama’t hindi siya ganoon kabihasa sa pagbigkas ng salitang Ingles.

“I’m Captain Joseph Brown. Who are you and what are you doing here?”

            Mabilis niyang inintindi ang mga sinabi nito. Captain Joseph Brown . . . sino daw siya at anong . . . Natigilan siya. Hindi niya alam kung anong ibig sabihin ng huli nitong sinabi. Napakabilis kasi nitong magsalita. Nagsalimbayan ang pagkataranta at takot na nadarama niya ng mga sandaling iyon.

            “Hey, speak up!”

            Napapitlag siya. “I-m R-osa,” nauutal niyang bigkas sa kanyang pangalan.

            “What are you doing here? Are you alone?” mabilis na lumingon sa paligid ang lalaki at dinala ang kamay sa tagiliran.

            “Y-yes,” tango niya at hinanda ang sarili sa napipinto niyang katapusan. Babarilin ba niya ako?

            Tumingin sa kanya ang lalaki, “Are you sure?”

            Tumango uli siya. San Isidro iligtas mo po ako, usal niyang malapit nang tumulo ang luha sa labis na takot.

            Nakita niyang bahagyang napanatag ang lalaki. Lumambot ang mukha nito na para bang naawa sa kanya.

“Hey, don’t be afraid I m not going to hurt you,” wika nito sa kanya.

            Hindi siya kumibo at pinagmasdan ang dayuhan. Ano nga ba ang ginagawa nito sa lugar na ito? At bakit ito may baril at naka-suot ng uniporme ng isang sundalo? Naisip niyang kumaripas ng takbo subalit natakot siya. Siguradong hindi mangingimi ang lalaki na barilin siya kung sakali.

            Inalis ng lalaki ang kamay sa tagiliran at bahagyang lumayo sa kanya. Lumapit ito sa isang malaking tipak ng bato na naka-usli sa sahig.

            “How old are you?” tanong nito nang muling humarap sa kanya.

            “I . . .am . . . e-leven . . . years . . . old,” hirap na sagot niya.

            “Why don’t you sit down?” wika ng lalaki at umupo ito sa malaking bato. “Come here.”

            Hindi siya natinag sa kanyang kinatatayuan.

            “Don’t be afraid. Come here.” Ulit ng lalaki at tinapik ang espasyo sa tabi nito.

            Nag-aalangan siyang sumunod at lumapit dito.

            “Here,” wika ng lalaki at bahagyang umurong para magbigay daan sa kanya.

            Marahan siyang umupo habang hindi inaalis ang pagkakasulyap sa lalaki.

            “Please calm down. I’m not going to hurt you. W-ait,” wika nito at itinuro ang kanyang ulo, “is that blood? Goodness, you’re bleeding!”

            Hinaplos niya ang sentido kung saan naroon ang kanyang sugat. Nabasa ang kanyang kamay ng sariwang dugo. Ngayon din lamang niya naramdaman na kumikirot muli ang kanyang sugat. Marahil dahil iyon sa ginawa niyang pagtakbo kanina.

            “Here, let me . . .” naglabas ng panyo mula sa kanyang bulsa si Captain Brown at ipinahid iyon sa dugong pumatak sa kanyang noo.

            Napapikit siya habang tinitiis ang kirot. Nguni’t marahan iyong napalitan ng kakaibang pakiramdam dahil napakalamig ng panyong ipinapahid ni Captain Brown sa kanyang noo. Nang lumaon ay nawala ang pagkirot ng kanyang sugat.

            “Are you feeling alright now?”

            Dumilat siya at nakitang nakatunghay sa kanya ang sundalo.

            “T-hank . . . y-ou,” sagot niya at saka ngumiti.

            “You’re welcome. Here,” wika nito at iniabot sa kanya ang panyo, “use it.”

            Nag-aalangan siyang tumingin sa sundalo. Inilapit pa nito sa kanya ang panyo kaya wala siyang nagawa kundi abutin iyon ng kanyang nanginginig na kamay.

            Saglit na namayani ang katahimikan sa pagitan nila ng banyagang sundalo. Hindi ito kumikibo sa kanyang tabi at ganoon din siya. Pigil ang kanyang paghinga at kilos bagama’t sa paglipas ng mga sandali ay unti-unting naglalaho ang kanyang kaba at takot. Sa tingin niya ay mukha naman itong mabait.

            “I’m sorry if I scared you,” maya-maya ay wika ni Captain Brown. “I want you to know that I’m not a bad guy.”

            Tumingin siya dito at saka tumango.

            “You know, maybe we can be friends. There are only few people living in this place. And they don’t even bother to speak to me.”

            “F-riends . . .” bulalas niya ng marinig ang salitang iyon.

            “Yes. I want you to be my friend,” masiglang wika ni Captain Brown.

            Tumango siya kahit pa hindi niya gaanong naunawaan ang sinabi nito.

            “We’re friends then,” wika ni Captain Brown at saka inilahad ang kamay.

            Sinulyapan niya ang malaki at maputi nitong kamay pagkatapos ay dumako siya sa mukha nito. Nakangiti ito at naghihintay sa kanyang tugon.

            Alangang iniabot niya ang kanyang kamay. Bahagya pa siyang napapitlag nang dumampi ang kanyang balat sa malamig nitong kamay.

            “You’re a nice girl,” wika ni Captain Brown nang bawiin niya agad ang kamay dito.

            R-rosa . . . m-y name is Rosa,” bigla niyang nasambit.

            “And you can call me Captain Brown or just Captain if you want.”

            “C-aptain Brown. Captain . . .” ulit niya, “y-you . . . a . . . s-oldier?”

            Tumango ito.

            “Galing ba sa iyo ang mga putok ng baril kanina?” tanong niya.

Nakita niyang napakunut-noo ang Kapitan. May hangganan ang nalalaman niya sa salitang Ingles, kaya sa pamamagitan ng pagmumuwestra ay ipinarating niya sa Kapitan ang ibig niyang sabihin. Hindi lumaon ay naunawaan din siya nito. Aliw na aliw ito habang pinagmamasdan siyang nagsasalita na may kasamang galaw ng mga kamay. Magiliw at tunay na mabait ang Kapitan kaya sa sandaling panahon ay madali niya itong nakapalagayan ng loob.

Matuling lumipas ang mga oras at hindi niya namalayan na palubog na ang araw.

            “Naku!” biglang sambit niya at agad tumayo, “hinahanap na ako ni Inay. I w-will . . . go.”

            “Wait!” habol ni Captain Brown nang mabilis siyang tumakbo palabas ng bahay. “Promise me to come back here tomorrow!”

            Lumingon siya sa Kapitan at saka tumango.

            “Lagot ako nito kay inay,” nag-aalalang bulong niya habang matuling tumatakbo.

            Pawisan siya at hinihingal nang sapitin ang kanilang munting bahay. Noon ay tuluyan nang kumalat ang dilim sa paligid. Marahan siyang humakbang papasok sa loob.

            “Saan ka na naman galing? Sa tuwing pinangangaralan kita’y pinaiiral mo ang katigasan ng iyong ulo,” talak ng ina nang masulyapan siyang papasok sa pinto. Kasalukuyan nitong sinisindihan ang gasera sa may kusina.

            “Sinundan ba ninyo ako kanina sa gubat?” hindi naiwasang tanong niya paglapit sa ina.

            “Gubat? Kung ganoon pala ay doon ka nagpunta?” nanlaki ang mata ng ina, “di ba kabilin-bilinan ko sa iyong huwag magtungo roon?”

            “Hindi ko sinasadaya. Basta tumakbo ako at nang mamalayan ko ay ‘andun na ako. Kung ganoon ay hindi ninyo ako sinundan?”

            “At bakit kita susundan, aber? Lumayas ka. Matuto kang bumalik. Kailan ka ba talaga matututong bata ka? Puro kunsumisyon ang ibinibigay mo sa akin. Tatanda at mamamatay ako agad nang dahil sa‘yo.”

            Tumaas ang kilay niya sa litanya ng ina. Saka niya biglang naalala ang nangyari sa gubat.

            “Pero may nakita akong babae sa gubat. May--”

            “Nuknukan kasi ang katigasan ng ulo mo. Sa susunod na suwayin mo pa ako ay malilintikan ka na talaga sa akin. Kung kailangang itali kita sa haligi ng bahay ay gagawin ko. Naiintindihan mo?”

            Tumango siya dahil alam niyang seryoso ang ina sa banta nito. Subalit agad niyang naisip ang pangako kay Captain Brown na babalikan niya ito. At ang takot niya sa ina ay hindi sapat para baliin niya ang kanyang pangako sa kanyang bagong kaibigan. Kahit anong mangyari ay kailangan niyang bumalik sa bahay na bato.

            Kinabukasan ay humanap siya ng magandang tiyempo kung paano tatalilis sa bahay ng hindi namamalayan ng ina. Nguni’t mukhang imposible iyon dahil lagi itong nakamasid sa kanya. Nakaka-ilang hakbang pa lang siya sa labas ng bahay ay agad na siya nitong tatawagin.

            “Huwag kang lalayo at baka kung saan ka na naman dalhin ng makakati mong paa. Dito ka at bantayan ang bahay at ako’y mangangalap ng kahoy na panggatong.”

            “Ako na lamang po ang gagawa niyan.”

            “Hindi ako istupido. Alam ko kung anong gagawin mo sakaling sa’yo ko iatang ang trabahong ‘yan.”

            “Hindi po--”

            “Tumigil ka!” sabat ng ina at nag-handa na para lumakad. “Huwag kang magkakamaling lumabas ng bahay at suwayin akong muli,” babala pa nito bago umalis.

            Hinatid niya ng tanaw ang papalayong ina. Padabog siyang naupo sa tabi ng bintana at nangalumbaba. Hanggang kailan ba siya mamanduhan ng ina? Minsan ay nasasakal na siya sa labis na paghihigpit nito sa kanya. Hindi na rin niya matagalan ang patuloy na paglilihim nito sa kanya. Marami itong bagay na itinatago sa kanya lalo na tungkol sa kanilang pamilya. Hindi ito nagkukuwento tungkol sa kanyang mga lolo at lola o kung may mga kapatid ito. Kahapon lamang ay nagtalo sila dahil sa naungkat niya ang tungkol sa kanyang ama. Bigla itong nagalit, sinigawan at minura siya nang walang tugot. Nagalit din siya at hindi sinasadyang nasigawan ang ina, pagkatapos ay iyon na nga, tumakbo siya at napadpad sa gubat.

Sila na nga lang dalawa sa buhay ay hindi pa sila magkasundo. Wala na silang ibang kaanak. Wala na rin ang kanyang ama at ang sabi ng kanyang ina ay pumanaw ito bago pa siya isilang. Noong una ay pinaniwalaan niya ang kuwentong iyon ng ina nguni’t ngayon ay may alinlangan siya. Nagsimula siyang magduda dahil sa lantarang pag-iwas ng ina na pag-usapan ang anumang bagay tungkol sa kanyang ama.

            Kaya naman sa kaibuturan ng kanyang puso ay umaasa siyang buhay pa ang amang pinananabikan niya nang lubos. Hindi rin siya tumitigil sa pagtuklas ng katotohanan bagama’t sa kasawiang palad ay wala siyang matuklasang bakas ng ama sa kanilang tahanan. Walang larawan, gamit, o kahit anong bagay na may kaugnayan sa  ama ang mahagilap niya sa bahay. Kung totoong wala nga o itinatago ng ina sa kanya ay hindi niya masabi.

            Ilang sandali pa ang lumipas at hindi na niya matiis ang labis na pagkabagot. Tumayo siya at nagpalakad-lakad. Inaalisa kung ano ang nararapat niyang gawin. “Hindi ako maaring umalis ng bahay. Hindi na ako dapat bumalik sa gubat. Hindi--” lumingon siya sa labas ng bintana habang kumakabog ang kanyang dibdib. Nakapagpasya na siya.

            ‘Patawad inay,’ bulong niya habang tumatakbo palayo sa kanilang bahay. Hindi niya maitago ang masidhing pagnanasa na muling makabalik sa bahay na bato at muling makita si Captain Brown.

            Napakatulin ng kanyang takbo, parang hinahabol ni Kamatayan. Kaya tuloy hindi niya namalayan ang pagsulpot ng isang nilalang mula sa isang parte ng gubat at sila’y nagsalpukan sa ere.

            “Ay!” sigaw niya at halos mawalan ng panimbang sa lakas ng kanyang pagkakasalpok sa katawan ng isang babae. Natigilan siya nang matanto iyon. Agad siyang nag-angat ng mukha at napatulala ng makita ang estrangherong kanyang nakabungguan. Nakahinga siya ng maluwag ng makitang hindi iyon ang kanyang ina.

            “Patawad binibini,” hingi niya ng dispensa sa babae. Bahagya pa siyang napakurap habang nakatingin dito. Napakabata nito at hinuha niya’y maraming taon ang tanda ng kanyang ina dito, maamo ang mukha at napaka-elegante pa ng pustura nito.

            “Walang anuman,” ngiti nito sa kanya, “pero bakit ka ba humahangos? May humahabol ba sa iyo?”

            “W-ala,” sagot niya. “Ang totoo’y . . .” tumingin siya sa likuran ng babae kung saan naroon ang daan patungo sa bahay na bato.

            “Ang gubat na ito ay mapanganib sa isang musmos na gaya mo. Ano bang ginagawa mo rito?”
            “M-may katagpo ako sa gubat kaya ako nagmamadali. Ako’y tumakas lamang sa aming bahay,” pagtatapat niya sa babae.

            “Hindi gawain ng isang mabuting bata ang iyong ginawa. Paano kung hanapin ka ng iyong ina?”

            “Sandali lang ako at babalik din ako bago siya dumating.”

            “Pero saan ba ang iyong tungo at sino ang iyong katipan?”

            Nguni’t hindi na niya ito sinagot. Nagmamadali siyang nagpaalam at tumakbo palayo.

            Walang pagsidlan ang kanyang galak ng sapitin niya ang bahay na bato. Lalo pa ng makita niya agad si Captain Brown na naghihintay sa kanya.

            “You came,” nakangiting salubong nito sa kanya, “I thought you’ll never show up.”

            Humihingal siyang lumapit dito.

            “I’m really happy to see you again.”

            Tumango siya at saka ngumiti.

            “Well, now you’re here. Let me show you something. Come here,” inilahad ni Captain Brown ang isang kamay sa kanya.

            Hinawakan niya iyon. Iginiya siya nito patungo sa hagdan. Umakyat sila sa ikalawang palapag ng bahay.

            “Be careful . . .”

Pagsapit sa itaas ay maingat nilang binaybay ang baku-bako at butas-butas na sahig. Tumigil sila sa tapat ng isang bintana. Buhat sa kanyang kinatitirikan ay tanaw niya ang malaking parte ng gubat. Sumulyap siya sa kanyang tabi, kung saan naroon ang Kapitan.

“Ang ganda naman dito? Ayun,” turo niya, “doon banda ang bahay namin.”

Natigilan siya pagkatapos.

“Why? What’s the matter?” nag-aalalang tanong ni Captain Brown sa kanya.

Lumingon siya sa kanyang tabi. Paano ba niya sasabihin na hindi siya dapat magtagal dito at kailangan niyang umalis kaagad? Siguro ay dapat magbasa siya para matutong magsalita ng Ingles. Pero wala siyang mga libro sa bahay. Lumaglag ang kanyang mga balikat.

“Hey, are you alright?”

“Captain Brown, w-hat you . . . d-oing . . . here?” sa halip ay tanong niya sa Kapitan.

Nakita niyang nag-iba ang anyo ng mukha nito. Lungkot ba ang nabasa niya sa mga mata nito?

“I am waiting for my Aurora,” wika nito habang nakatanaw sa malayo.

“A-urora?” ulit niya.

“She’s the woman I love. She promised to wait for me here. But when I came back the house is gone and so was she.”

Tumango siya. Si Aurora ay ang babaeng iniibig ni Captain Brown.

“W-where is Aurora?”

Narinig niyang napabuntung-hininga si Captain Brown.

“I don’t know. I have no idea where she might be.”

“Maaring lumipat na sila ng tirahan dahil nasira na itong bahay nila.”

“I’ve been looking for her for years but I can’t find her. I miss her so much . . .”

Natigilan siya at hindi maka-imik nang makitang may tumulong butil ng luha mula sa kulay asul na mata ng Kapitan. Parang hinaplos ang puso niya. Nais niyang hagkan ang pisngi nito at punasan ang luha nito, subalit hindi niya iyon abot.

“We were planning on getting married. She also agreed to go with me to America where we can start our family. But . . .”

Dinaklot niya sa bulsa ng kanyang bestida ang panyong ibinigay dati sa kanya ni Captain Brown. Hindi pa niya iyon nalabhan at natuyo na ang dugong kumapit roon. Iniabot niya iyon sa Kapitan.

“No,” iling nito at saka pinasaya ang mukha, “it’s alright. Just keep it.”

Ibinababa niya ang kamay.

“You . . . a-re . . . sad.”

“I want to find her. I will never stop looking until I find her.”

“I . . . h-help . . . you.”

Biglang bumaling si Captain Brown sa kanya.

“Really?” masigla ang mukhang bulalas nito, “you will help me find my Aurora?”

Tumango siya. Hindi niya batid ang tunay na dahilan kung bakit niya gustong tulungan si Captain Brown. Marahil ay ayaw niya itong makitang malungkot, o baka dahil pareho silang dalawa ng kalagayan -- kapwa nila hinahanap ang isang taong mahalaga sa kanila. At bagama’t hindi siya sigurado kung paano hahanapin si Aurora ay puno siya ng pag-asa. Gaya ng pag-asa niyang balang araw ay matutunton din niya ang kanyang ama. Magkikita silang dalawa dahil naniniwala siyang buhay pa ito.

Tumatakbo siya uli habang pabalik sa kanilang bahay. Inihanda na niya ang sarili sakaling abutan ang ina na naghihintay sa kanya hawak ang isang lubid. Nguni’t sa kabutihang-palad ay wala pa ito nang dumating siya. Mabilis siyang kumilos at nagligpit sa loob ng bahay. Hindi kailangan mahalata ng ina na umalis siya. Dahil batid niyang iyon pa lang ang simula ng mga pagsuway na gagawin niya dito.

Dumating ang kanyang ina pagkatapos ng halos isang oras. Natanaw agad niya ito sa may bintana habang tinatawag siya.

Tumakbo siya palabas para salubungin ito. May pasan itong bungkos ng mga tuyong kahoy sa ulo. Kinuha niya ang ilan sa mga kahoy na dala nito. Binuhat niya iyon at ipinasok sa bahay.

“Anong ginawa mo habang wala ako?” tanong ng ina habang isina-salansan niya ang mga kahoy sa lalagyan na nasa ilalim ng kalan.

“Ano pa ba ang maaari kong gawin dito sa bahay,” sagot niyang sinadyang hindi tumingin sa ina sa takot na mabisto nitong nagsisinungaling siya.

“At ganyan ka na ngayon makasagot sa akin. Talaga nga namang nagiging suwail ka habang ika’y lumalaki. Nagmana ka walang duda sa iyong ama.”

Sukat pagkarinig doon ay bigla siyang natigilan. Bumaling siya sa ina na nagtatanong ang mga mata.

Nguni’t agad natanto ng ina ang naging pagkakamali at umiwas ito ng tingin sa kanya.

“Binanggit ninyo ang aking ama,” simula niya, “at bakit tila may pagkamuhi sa inyong himig?”

“Ano bang pinagsasabi mo? Bilisan mo nga d’yan at ako’y magluluto pa ng ating tanghalian.”

“Ina, ano ang ibig ninyong sabihin sa inyong winika?”

“Rosa magtigil ka.”

“Pakiusap sagutin ninyo ako.”

“Sinabi kong tumigil ka!”

Nasindak siya sa lakas ng sigaw nito. Noon lamang din niya nakita ang ina sa ganoong katauhan. Nanlaki ang mata nito at lumabas ang mga ugat sa leeg nito. Hinahabol nito ang hininga pagkatapos na para bang nasayad ang lakas sa ginawa. “Sinabi ko na sa iyong ayokong pag-usapan ang anumang bagay tungkol sa iyong ama.”

“Pero bakit?” anas niya habang pinagmamasdan ang ina. Pakiwari niya’y isa itong estranghero.

“Dahil ayoko! Kaya tumigil ka na sa iyong kakulitan, maaari ba?” tumalikod ang ina at lumabas ng bahay.

Nagpasya siyang sundan ito. “Inay . . .” habol niya dito.

“Rosa, kung hindi ka titigil ay malilintikan ka na talaga sa akin,” galit na baling ng ina sa kanya.

“Bakit ba napaka-hirap para sa inyo na sabihin ang totoo tungkol sa aking ama?” himutok niya, “galit ba kayo sa kanya dahil iniwan at pinabayaan n’ya tayo?”

“Tumahimik ka!” pagkasabi noon ay iniwan siya ng ina. Nagtungo ito sa kakahuyan.

Hindi siya naglakas-loob na sundan ito. Napayuko siya at saka pumasok sa loob ng bahay. Hindi niya pinagsisihan ang kanyang ginawa, at wala siyang balak humingi ng tawad sa ina. Sa labis na sama ng loob ay nangako siya sa sariling patuloy na magtutungo sa gubat.

Simula noon, tuwing magkakaroon ng pagkakataon ay palihim siyang umaalis sa kanilang bahay at nakikipagtagpo kay Captain Brown sa bahay na bato. Para sa kanya, iyon lang ang tanging lugar sa mundo na maligaya siya. Dahil sa paglipas ng mga araw ay nakagaanan na niya ng loob ang Kapitan. Salungat sa patuloy na paglala ng relasyon nila ng kanyang ina.

“Hindi niya masagot ang simpleng mga tanong ko tungkol sa aking ama,” himutok niya sa Kapitan minsan. Hindi na niya alintana na posibleng hindi nito naiintindihan ang mga sinasabi niya.

“Parents are like that. They’re very protective of their children,” malumanay na pahayag ng Kapitan.

“Naunawaan mo kung ano ang sinabi ko?” nagtatakang tanong niya dito.

“No, iling nito, “but I feel it. I see it in your eyes. Your hatred towardsyour mother is evident in your voice, that’s why I understand you.”

Tumahimik siya at inalisa sa kanyang sarili kung gaano na nga ba kalaki ang galit na nadarama niya sa ina. Sapat na ba iyon para tuluyang masira ang kanilang samahan.

“But it’s wrong to harbor a grudge against your mother. You should respect and  understand her. Give her time. I’m sure she will tell you the truth later on,” patuloy pa ng Kapitan.

Tumango siya nang mapagtanto na tama ang mga pahayag ng Kapitan. Sa kabila ng lahat, ay mahal pa rin niya ang ina at hindi niya gugustuhing masaktan at magdusa ito.

“S-sorry,” aniya, “sa halip na tulungan kita sa paghahanap kay Aurora ay problema pa ang ibinibigay ko sa iyo.”

“It’s alright,” ngiti ng Kapitan, “we’re friends, remember?”

“Hindi mo pa rin ba nakikita si Aurora?” tanong niya dito.

Malungkot itong umiling.

“Hindi ko kasi kilala karamihan ng mga tao rito. Hindi ako pinalalabas ng bahay ni ina. Madalang din kung magtungo ako sa bayan.”

“You don’t go to school?”

“Dati. Pero hindi na niya ako pinapasok sa eskwela simula nang makipag-away ako sa aking mga kaklase.”

“Why?”

“Tinutukso kasi nila ako. Sabi nila putok daw ako sa buho. Isang engkanto daw ang tatay ko. Maputi daw ako at maganda at hindi kami magkamukha ni ina.”

“You shouldn’t listen to them? They’re just making fun of you.”

“Alam kong hindi engkanto ang tatay ko. Pero minsan ay gusto kong maniwala sa kanila. Hindi ko pa naman kasi nakita ang tatay ko. Hindi ko alam kung ano nga bang itsura niya.”

“Well, I can help you find him.”

Napalingon siya sa Kapitan.

“You’re helping me find my Aurora, so it’s only fair to help you find your father.”

Ngumiti siya, “Talagang tutulungan mo akong hanapin siya?”

“Yes. I will help you find him. I promise.”

Bigla niya itong niyakap at muli ay nanibago siya sa kakaibang lamig ng katawan nito.

Sa daan pabalik sa kanilang bahay ay muli niyang nakita ang misteryosong binibini. Ngumiti ito nang makita siya. Hindi niya maiwasang ipilig ang ulo habang pinagmamasdan ang maamong mukha nito na nagpapaalala sa kanya sa isang tao.

“Mukhang nagmamadali ka na naman bata,” wika nito sa kanya, “huwag mong sabihin na tumakas ka na naman sa inyong bahay.”

Hindi siya makasagot.

“Maaring nag-aalala na sa iyo ang iyong ina.”

“Ikinukulong ako sa bahay ni inay,” katwiran niya.

“Pero hindi iyon dahilan para suwayin siya. Maaari kang mapahamak sa iyong ginagawa.”

“Pero . . .” natigilan siya at nagdalawang-isip na ipagtapat ang tungkol kay Captain Brown.

“Hindi ka dapat pumupunta sa lugar na ito. Maraming masasamang tao sa paligid at maari kang mapahamak.”

Sa puntong iyon ay bigla niyang naalala ang mga pangyayari noong una siyang sumuong sa gubat. Ang babaeng pinagkamalan niyang kanyang ina, gayundin ang mga putok ng baril at ang mga pagsabog na kanyang narinig.

“Hindi kaya ikaw ang babaeng nakita ko noon?” bulalas niya habang sinusuri ang mukha ng binibini.

“Ikaw ba ang batang nakahandusay sa lupa?” may pagaalinlangang tanong nito sa kanya.

Tumango siya.

“Ikaw nga iyon,” tango ng binibini at saka bahagyang ngumiti. “Paano kita nagawang makalimutan. Pero bakit wala ka na nang ako’y magbalik?”

“Naka-rinig ako ng mga putok ng baril at pagsabog. Natakot ako’t tumakbo palayo.”

“Kung ganoon ay narinig mo rin iyon?”

Tumango siya. “Pero sino ba ang may gawa niyon?”

“Mapanganib silang nilalang. Nasa paligid lang sila kaya mag-ingat ka palagi. At huwag ka nang gumawi pa rito kung maaari.”

“Pero hindi maari. May--”

“Rosa!”

“Ang inay!” sambit niya nang marinig ang boses. “Naku lagot na ako. Sige mauna na ako.”

Tumakbo siya at hindi na bumaling pa sa binibini. Kumakabog ang kanyang dibdib habang papalapit siya sa boses ng ina. Sigurado siya ng mga sandaling iyon na gagamitin na nito  ang lubid sa kanya.

“Suwail! Tampalasan!” sigaw ng ina. Nakadapa siya sa sahig habang pinapalo nito ang kanyang puwit ng isang piraso ng kawayan. “Hindi ka na nagtanda kahit kailan! Hanggang kailan mo ba ako patuloy na susuwayin ha?!”

Humahagulgol siya habang lumalagapak ang mga palo ng ina sa kanya.

“Hindi ako titigil hangga’t hindi ka nangangako na hindi ka na uli babalik sa gubat! Hala! Sumagot ka!”

“Tama na po!”

“Ipangako mo na hindi ka na pupunta doon!”

“Tama na po! Tama na!” hiyaw niya ng lalo pang nilakasan ng ina ang palo sa kanya.

“Mangako ka sinabi e!”

 Umiling siya.

“At talagang matigas ang ulo mo!”

Tiniis niya ang magkakasunod na palo ng ina. Kahit anong mangyari ay hindi siya mangangako na hindi na babalik kailanman sa gubat. Kaya niyang tiisin ang sakit nguni’t hindi ang lungkot kapag hindi na sila nagkita si Captain Brown. Kailangan niya ito lalo pa ngayon na nangako ito na tutulungan siyang hanapin ang kanyang ama.

Tumigil lang ang pagpalo sa kanya nang maputol ang kawayan na hawak ng ina.

Humihingal na napaupo ito sa tabi niya tanda ng pagod at pagsuko.

Hindi siya natinag sa kanyang pagkakadapa. Ramdam niya ang pamamaga ng kanyang puwit na likha ng mga palo sa kanya. Napigta ng pawis ang kanyang mga pisngi pero pinabayaan niya lang iyon.

“Maari n’yo akong lumpuhin pero hindi iyon magiging hadlang para hindi na ako pumunta sa gubat. Marami na kayong pinagkait sa akin pati ba naman ang pagtungo ko roon.”

“Hindi mo alam ang pinagsasabi mo. Mapanganib ang lugar na iyon,” wika ng kanyang ina habang nakayuko. Nasa mukha pa rin nito ang pagkahapo.

“Nagpupunta ako sa gubat . . . doon sa bahay na bato. May nakilala ako doon at naging kaibigan ko siya--”

“N-nagpupunta ka sa bahay?” labis ang pagkasindak sa mukha ng ina nang humarap sa kanya.

“A-anong alam n’yo tungkol sa bahay na iyon?” tanong niya ng mahalata ang pagkaligalig ng ina.

Pinilit niyang bumangon at umupo sa tabi nito. Napaungol siya nang sumayad sa sahig ang kanyang puwit.

“Sabihin ninyo sa akin kung anong alam ninyo sa bahay na bato.”

“W-wala,” iling ng ina at lumayo ng tingin sa kanya.

“Inay, tama na ang inyong mga kasinungalingan. Sabihin n’yo sa akin ang totoo.”

“Hindi mo gugustuhing malaman ang katotohanan, Rosa, dahil nasisiguro kong masasaktan ka lang.”

“A-anong ibig n’yong ipahiwatig? Magsalita kayo pakiusap.”

Binigyan niya ang ina ng pagkakataon. At nang sa wakas ay magsalita ito ay iba na ang tono nito. Hindi niya maaring maipagkamali ang lungkot, sakit, at galit sa tinig nito.

“Pag-aari ng aming pamilya ang bahay na iyon. Isa iyong maganda at magarang bahay bago ang digmaan. Pero nang dumating ang mga Hapones ay nilapastangan nila iyon. Kinuha nila lahat ng maari nilang mapakinabangan, at pagkatapos ay sinunog nila ang bahay kasama . . . k-kasama ang inay, itay at kuya.

“Pero hindi pa iyon ang pinakasukdulan sa kasamaang ginawa nila sa aking pamilya. Bago sunugin ang aming bahay ay ginahasa nila ako pati na ang aking bunsong kapatid. Pinagpasa-pasahan kami ng kung ilang mga sundalong Hapones. Gusto ko nang mamatay sa mga sandaling iyon dahil sa trahedyang sinapit ko. Pakiwari ko ay wala nang kuwenta ang aking pagkatao dahil sa ginawa nila sa akin. Pero sa huli ay naisip ko ang aking kapatid, ang aking kaawa-awang kapatid. Kaya nilakasan ko ang aking loob. Gumawa ng paraan ang aking ama at kuya para makatakas kaming dalawa. Bagama’t nagawa naming makalayo ay naabutan pa rin nila kami. Nabaril nila ang aking kapatid. Namatay siya nguni’t bago malagutan ng hininga ay sinabi niyang tumakas ako at patuloy na mabuhay. Sinunod ko ang habilin niya. Nagtago ako at sinikap mabuhay mag-isa sa gitna ng giyera, hanggang sa isilang kita . . .”

Napaluha siya nang matantong ito na ang katotohanang matagal nang ikinukubli ng ina sa kanya. Ramdam niya ang paghihirap ng kalooban nito at gusto niya itong yakapin at damayan ng mga sandaling iyon. Ngayon ay nauunawaan na niya kung bakit hirap itong mahalin at tanggapin siya. Dahil malinaw sa kanya ang katotohanan, ama niya ang dahilan ng pagkawasak ng buhay at pamilya ni Carmen -- ng kanyang ina.

“Nang malaman kong nagdadalang tao ako ay hindi ako nagdalawang-isip na buhayin ka. Sa kabila ng hirap ng buhay at madilim na karanasang dinanas ko ay hindi ako nawalan ng pag-asa at pananampalataya. Nanatili ang takot ko sa Diyos at sa mga gawing masama. Kaya isinilang at pinalaki kita kahit pa alam kong ikaw ang patuloy na magpapaalaala sa akin sa trahedya ng aking buhay. Marahil dahil ikaw na lang ang natitira kong pamilya. Noon pa man ay takot na akong mag-isa. At ang malamang may makakasama ako sa buhay ay sapat na upang patuloy akong mabuhay, gaya ng pangako ko kay Aurora.”

“A-urora?” tanong niya habang pinupunasan ang luha.

“Oo. Ang aking bunsong kapatid na si Aurora.”

“Hindi,” umiiling na bulalas niya, “p-patay na si Aurora?”

“Anong sinasabi mo?” baling ng ina sa kanya.

“Pero si Captain Brown hinahanap niya si Aurora, si Tiya Aurora,” aniya at nagugulumihang humarap sa ina.

“T-teka, paano mo nalaman ang tungkol sa kasintahan ni Aurora?”

“Kailangan malaman ni Captain Brown ang nangyari. Matagal na niyang hinahanap ang Tiya Aurora.”

“P-pero p-atay na rin si Captain Brown, Rosa.”

Tila tumigil ang kanyang mundo nang marinig iyon. Umiling siya. Imposible iyon, sigaw ng utak niya. “H-indi. N-agsisinungaling kayo. Nasa bahay na bato si Captain Brown. Buhay siya at siya ang lagi kong katagpo doon.”

Hinawakan siya sa magkabilang balikat ng ina, puno ng awa at pag-aalala sa kanya.

“Makinig ka, nagkita kami ni Captain Brown pagkatapos kong makatakas sa mga Hapones na humahabol sa akin. Ikinuwento ko sa kanya ang nangyari sa aking pamilya at kay Aurora. Agad siyang sumugod sa gubat para hanapin ang bangkay ng aking kapatid. Sinundan ko siya. Sa gubat ay naka-engkuwentro niya ang mga Hapones at siya’y napatay. Patay na si Joseph. Pinatay siya ng mga taong pumatay din sa buo kong pamilya.”

“Hindi! Kahit kailan ay sinungaling kayo!” sigaw niya at kumawala sa ina. “Nangako ako kay Captain Brown na tutulungan ko siyang hanapin si Aurora. Buhay si Captain Brown gayundin si Tiya Aurora!”

“Ro-sa . . . a-nak . . .”

 Tumayo siya at tumingin sa direksiyon ng gubat, “Kailangan kong makita at maka-usap si Captain Brown,” wika niya at saka nagmamadaling lumabas ng bahay.

Rosa sandali!” habol ng ina sa kanya.

Hindi niya pinansin ang tawag ng ina. Binilisan niya ang pagtakbo. Hindi siya makapaghintay na sabihin ang lahat ng kanyang natuklasan sa Kapitan, kahit pa alam niya malungkot iyon. Dahil wala na si Aurora . . . wala na ang kanyang ale.

“Sandali!”

Natigilan siya nang marinig ang boses. Malayo na siya sa kanilang bahay at tiyak niyang hindi siya sinundan ng ina, kaya nagtaka siya kung sino iyon. Marahan siyang lumingon at nakita ang magandang binibining iyon.

Tumigil siya at lumapit dito.

“Pasensya na binibini subalit ako’y nagmamadali.”

“Pero nahulog mo ito,” wika nito sabay lahad sa panyong bigay sa kanya ni Captain Brown. “Nahulog ito habang ika’y tumatakbo.”

“Maraming salamat,” masayang sambit niya at saka kinuha ang panyo, “aalis--”

“Maari ko bang itanong kung saan mo nakuha iyan? Pamilyar kasi sa akin ang panyong iyan.”

Natigilan siya at tumingin sa binibini.

“Hindi ako maaring magkamali, may panyo din gaya niyan ang aking Joseph.”

Para siyang binuhusan ng malamig na tubig ng marinig iyon.

“J-joseph,” ulit niya.

“Oo. Si Captain Joseph Brown. Siya ay aking kasintahan. Alam mo bang hinahanap ko siya?”

“P-pero hindi maari,” bulalas niya, hindi lubos makapaniwala sa natuklasan. “M-maaari ko bang malaman kung ano ang iyong pangalan binibini?” abot langit ang kanyang kaba habang hinihintay ang magiging tugon ng magandang binibini.

Ngumiti ito, “Ang pangalan ko’y Aurora.”

“T-tiya A-urora . . .” bulong niya matapos mapaurong. Pinagmamasdan niya ang maamong mukha nito. Ngayon lamang niya napagtuunan ng pansin ang malaking pagkakahawig nito sa kanyang ina.

Napakunut-noo si Aurora sa kanyang naging reaksiyon.

“Hindi . . .” iling niya, “h-indi maari.”

“Bata, may problema ba? May nasabi--”

“Maari ba ninyo akong hintayin dito. Babalik ako kaagad pangako. Huwag kayong umalis dito kahit anong mangyari,” maya-maya ay bulalas niya matapos mabuo sa kanyang isip ang isang plano.

“Pero hindi ako umaalis dito. Dito ako nakatira. Doon sa bahay na bato.”

Ngumiti siya at biglang niyapos ang kanyang ale. Bahagya siyang napapitlag nang maramdaman ang malamig nitong katawan. Ganito din ang naramdaman niya kay Captain Brown noon.

“Bata, ano bang nangyayari sa iyo?” nagulumihanang tanong ni Aurora.

Sa halip na sagutin ay kumalas siya dito at nagsimulang humakbang patungo sa direksiyon ng bahay na bato.

“Basta maghintay kayo diyan Tiya!” sigaw niya at saka nagmadaling sumibad palayo.
“Mag-ingat ka at baka ika’y madapa!” paalala ng ale sa kanya.

Ngumiti lamang siya at saka tinunton ang daan patungo sa isang tiyak na destinasyon. Sa isang banda, hindi malungkot kundi isang magandang balita ang ihahatid niya sa Kapitan. Natitiyak niyang magagalak ito dahil sa wakas ay magkikita na rin sila ni Aurora. Subalit kagyat din siyang natigilan pagkatapos; binalot ng lungkot ang kanyang mukha ng matanto ang isang bagay. Ito na marahil ang huling pagkikita nila ni Captain Brown.

Comments

Popular posts from this blog

Bakit Ako Umaakyat ng Bundok? (V.2 - Hugot Version)

Ang Apat na Bundok ng Cawag (Balingkilat, Bira-Bira, Dayungan at Cinco Picos)

Misadventures at San Jose Circuit (Mt. Kawayan, Mt. Bungkol Baka and Mt. Tangisan)