Bakit Ako Umaakyat ng Bundok? (V.2 - Hugot Version)

‘Umakyat. Nahulog. Nasaktan. At nagmahal muli.’

Unang Akyat



Napakabilis lumipas ang panahon. Ngayon ay eksaktong isang taon na ang nakalilipas mula nang subukan kong umakyat ng bundok. Hindi naging maganda ang aking karanasan sa una kong akyat noon kaya hindi ko akalain na hanggang sa kasalukuyan ay ginagawa ko pa rin ang bagay na ito. Bagamat ganoon ang kinahantungan ng akyat ko sa bundok Daraitan sa lalawigan ng Rizal ay hindi ako nagsisi at pinanghinaan ng loob. Kakatwa pa nga dahil nasundan pa ang una kong akyat hanggang sa maging sunud-sunod na ito. Naging isang hilig ang bagay na sa simula ay isa lamang sanang libangan – isang paraan upang saglit na makalimot sa stress at pagod sa trabaho. Nagpapasalamat ako dahil nagbukas ng maraming oportunidad sa aking buhay ang unang akyat ko sa Daraitan. Ang mga oportunidad na ito ay nagpabago sa aking buhay ng hindi inaasahan. Una, naging tulay ang pag-akyat ko upang magkaroon ng maraming mga kaibigan. Sa bawat akyat ko ay may bago akong nakikilala na kalaunan ay nagiging kaibigan na rin. Maituturing na mahiyahin akong tao kaya isang hamon sa akin ang pakikihalubilo sa ibang tao lalo pa’t hindi ko naman lubos na kilala. Subalit sa mga akyat ko na kadalasan inaabot ng isang buong araw ay hindi maiiwasan na makapalagayan mo ng loob ang iyong mga kasama at maging kaibigan sila kalaunan dahil madalas na makasama mo rin sila sa iba pang mga akyat. Naaalala ko na sa una kong akyat noon ay isa lang ang taong kilala ko ngunit ngayon sa bawat akyat ko ay halos kilala ko na ang mga kasama ko. Hindi mahirap ang makapalagayang loob ang isang tao lalo na kung iisa ang inyong hilig. Bukod pa dito, tuwing umaakyat ka ng bundok , isang asal na dapat mong matutunan ay ang maging mabait sa kapwa mo ‘mountaineers’. Minsan hindi mo maiwasan na batiin at sabihin na mag-ingat ang sinumang makakasalubong mo sa trail. Minsan simpleng ngiti ay sapat na. bawat isa ay may isang hangarin kaya marahil nagkakaunawaan tayo. Alam natin ang hirap bago marating ang pinakamimithing summit. Hindi kataka-taka na minsan ay itanong natin sa mga makakasalubong natin na pababa kung malayo pa ba ang summit. Sa bundok lahat ay pantay-pantay at magkakaibigan. Ang iisang layunin ang nagbibigkis sa kanila upang maging isa. Sa bundok, bukod sa mga puno at sa iyong guide, kapwa mo mountaineer ang taong makikita at makakasalamuha mo.

********

‘Ang pag-ibig parang pag-akyat ng bundok. It’s the art of suffering.’

Exercise Pa More



Ikalawang nagawa ng pag-akyat ko ay naging dahilan ito upang bigyan ko ng pansin ang aking kalusugan. Naging hudyat ang una kong akyat sa bundok Daraitan upang simulan ko ang pagjojogging tuwing madaling araw gayundin ang pag-eehersisyo upang lumakas ang aking resistensya at katawan, mga bagay na mahalaga kung ikaw ay aakyat ng bundok. Naaalala ko pa kung paano ako nahirapan sa unang akyat ko. Dahil sa mahinang buhos ng ulan ay naging maputik at madulas and daan noon kaya kung ilang beses akong nadulas habang kami ay pababa. Hindi ko rin makakalimutan ang sakit ng katawan na kailangan kong tiisin kinabukasan pagkatapos ng aking akyat. Halos pagtawanan ako ng aking mga kasama sa trabaho dahil paika-ika ako kung maglakad. Akala ko noon ay iyon na ang una at huli kong akyat subalit naulit pa iyon ng maraming beses. Ang sakit ng katawan na aking inabot ay hindi sapat upang pawiin ang ligayang aking nararamdaman. Para sa akin, hindi lang rurok ng Daraitan ang napagtagumpayan kong marating, dahil higit pa roon ay mas nakilala ko ang aking sarili at nalaman ko ang hangganan ng aking kakayahan. Marami kang matututunan kung ikaw ay aakyat ng bundok na hindi mo matututunan kung simpleng nasa loob ka lang ng bahay o opisina, o di kaya ay nasa labas at nagliliwaliw kung saan. Ang pagtahak mo sa daan patungo sa tuktok ay tila pakikipagsapalaran gaya ng mga hinaharap nating mga pagsubok sa buhay.

********

‘Sa dinami-dami ng mga napuntahan ko. Hindi ko pa rin alam kung saan ako lulugar sa'yo.’

Perrysonal



Dahil sa pagakyat ng bundok ay isinilang at nagsimula ang Perrysonal. Ito ang aking blog na siyang nagsisilbing talaarawan ng aking mga pakikipagsapalaran. Dito ko inilalahad ang mga kaganapan ng aking mga akyat at pagbisita sa ibat-ibang mga lugar. Ngunit bukod pa doon, inilalathala ko rin sa aking blog ang mga maikling kuwento na aking isinulat. Maaaring hindi ako bihasa sa ganitong larangan at hindi rin ako propesyonal na manunulat ngunit sabi ko nga sa titulo ng aking blog, ‘Ito ang aking buhay, ang aking kuwento, ang aking paglalakbay’. Maaaring may pumuna sa aking mga mali, maaaring may magsabing baduy ako, at mayroong hindi makaunawa sa aking nais iparating; ngunit sa huli, kailangan natin panindigan ang ating mga paniniwala sa buhay. Iyon ang mas mahalaga dahil iyon ang magpapatunay kung ano klaseng pagkatao meron tayo. Hindi ko kailangan ang mabulaklak na papuri, gantimpala o salapi, gusto ko lamang ipakita kung ano at sino ako, ang mga pangarap at paniniwala ko sa buhay. Simple lang ang paraan upang maging masaya ka: iyon ay maging tutuo ka sa sarili mo at huwag bigyan pansin ang hindi magandang puna at sasabihin ng iba. Talamak ngayon sa ating lipunan ang mga bashers na tila hindi talos na sila man ay hindi perpekto. Walang puwang sa kanilang puso ang pangunawa at pagmamahal sa kapwa. Nakakalungkot ang ganitong katotohanan ngunit sa kabila nito dapat magpatuloy ang buhay. Matuto tayong lumaban at manindigan at abutin ang ating mga pangarap sa kabila ng mga balakid sa ating landas.

********

‘Gaano man kaganda ang view, mas maganda pa rin kung ang maririnig ko sa'yo ay ‘I la-view’.’

Hugot



Pinukaw din ng aking hilig sa pag-akyat ng bundok ang interes sa photography bagamat kailan ko lamang ito napagtuunan ng pansin. Hindi kaila sa sinumang umaakyat na hindi kumpleto ang bawat akyat kung wala kang selfie at larawan sa summit. Anuman ang sitwasyon, panahon at pagkakataon, makalimutan mo na ang lahat pati baon mo huwag lang ang cellphone mong may camera, DSLR, o GoPro para sa inaasam mong mga larawan na pang-profile picture mo sa Facebook, at madalas pa nga pinopost mo na may kasamang mga hugot na salita at pangungusap. Minsan tuloy gusto ko isipin na broken hearted o bitter ba karamihan ng mga mountaineers o sadyang malikhain lamang sila? Sa ngayon ay nasa proseso ako ng pagninilaynilay kung seseryosohin ko ang pagboblog at photography dahil gugugol ito ng oras at salapi. Pinagiisipan ko na ngayon na bumili ng isang disenteng camera upang maging maganda ang mga larawan na mailalagay ko sa aking blog. Kung may pagkakataon ay nais ko din mapaganda ang itsura ng aking blog. Alam kong napakasimple nito kumpara sa iba subalit masaya na rin ako dahil nagkaroon ako ng lakas ng loob upang simulan ito. Malay natin na pag nagtagal ay mapaganda ko ito at mas lalo dumami ang mga tagasubaybay nito. Sana nga, dahil iyon naman ang isa sa mga hangarin ko sa paglikha ng aking blog, ang maibahagi sa iba ang aking mga karanasan at naway makatulong o di kayay kapulutan nila ng aral.

********

‘Hindi lahat ng nagbabakasyon ay mapera, iyong iba gusto lang huminga.’

Ito Ang Buhay



Panghuling naidulot ng aking pag-akyat ay natuto ako ng maraming mga bagay at lumago ako bilang isang mabuting tao. Sa dami na ng mga bundok at lugar na napuntahan ko, mga tao nakilala at nakasalamuha, hindi katakataka na marami akong natutunan mga bagay tungkol sa buhay. Ang napakaimportanteng bagay na natutunan ko sa pagakyat ng bundok ay ang matutong pahalagahan ang mga simpleng bagay na meron ako. Ang isang basong malamig na tubig, isang malilim na puno, maging ang isang minuto ay tila walang halaga sa pangkaraniwang pagkakataon, hindi natin ito nabibigyan pansin madalas pero kapag nasa bundok ka at naiinitan at pagod na pagod saka mo maiisip kung gaano kahalaga ang isang basong malamig na tubig na pamatid sa uhaw mo. Habang naglalakad ka sa gitna ng tirik na araw anong saya mo sakaling may makita kang puno para silungan. Ang isang minuto ay napakahalaga rin sa puntong pagod ka na at kailangan magpahinga. Mahalaga ang bawat segundo sa pag-akyat lalo pa kung may hinahabol kang oras. Kung inabutan ka ng gabi o di kaya ng ulan sa bundok isang biyaya ang bawat minuto para magpahinga o para magpatuloy upang sa wakas ay makababa pabalik sa kump-off point. Maituturing na mapalad ang isang tao kung nakaakyat na siya ng isa o dalawa man lang na bundok sa tanang buhay nya. Hindi lahat may panahon para gawin ito. Hindi lahat kaya at gusto ito gawin. Sa dami ng bundok sa ating bansa na tila bawat probinsya ay meron nito, tunay na nakakapanghinayang na marami sa atin ang hindi man lang naranasan ang ganitong bagay. Ang umakyat ng bundok ay isang paraan upang mapalapit at maappreciate natin ang kalikasan. Isa rin itong oportunidad upang mapagtanto natin na ang kaligayahan ay libre lamang at maari mo itong makamit habang nasa tuktok ka ng pinakamataas na bundok at tinatanaw ang mga magagandang nilikha ng Diyos sa iyong paligid.





NOTE: This post is undergoing editing.

Comments

Popular posts from this blog

Ang Apat na Bundok ng Cawag (Balingkilat, Bira-Bira, Dayungan at Cinco Picos)

Misadventures at San Jose Circuit (Mt. Kawayan, Mt. Bungkol Baka and Mt. Tangisan)