Ang Apat na Bundok ng Cawag (Balingkilat, Bira-Bira, Dayungan at Cinco Picos)
‘Naniniwala ako na kung wala kang nagagawa sa kinatatayuan mo ngayon, wala ka rin magagawa sa kung saan mo man gusto magpunta.’ Ang Hamon Paumanhin sa mga mambabasa ng aking ‘blog’ kung sakaling manibago kayo. Sapagkat ngayon ay Buwan ng Pambansang Wika kaya napagdesisyunan kong isulat sa wikang Filipino ang ‘blog entry’ na ito. Bukod pa sa kadahilanang ito ay nais ko din pagbigyan ang hiling ng aking mga kasamahan sa ‘Trail Seekers’ na naghihimutok dahil napakahirap daw unawain ng aking mga isinusulat sa wikang Ingles. ‘Nose bleed’ ba kamo? Isang kabalintunaan marahil na pinili kong magsulat sa banyagang wika gayung kailanman ay hindi nagmaliw ang pagmamahal ko sa ating sariling wika. Kaya upang ipakita na hindi pa rin nawawaglit sa aking kamalayan ang kinagisnan kong lenggwahe ay buong puso kong tinanggap ang kanilang hamon. Nakakapanibago man sa simula ngunit kalaunan ay naging madali din ang lahat. Kailangan ko lamang ilahad ang aking saloobin na walang iniisip na maling...